Tuesday, July 9, 2013

Serbisyo = Sakripisyo

Halos limang taon na pala akong naghahanapbuhay. Sa loob ng limang taon na iyon, madami na akong nakasalamuha. Hindi lang sa mga opisina sa trabaho, pati na din sa ibang larangan ng paglilingkod : gobyerno, komunidad, civic society groups, atbp. May ilan akong napagtanto habang inoobserbahan ang mga taong nagbibigay-serbisyo. Mga pananaw na sa palagay ko ay kelangan kong ibahagi. Maaaring madaming magi-guilty, madaming aangal, magmamalinis, sasang-ayon, pupuna at magiging mga kritiko. Hayaan nyo itong maging batayan ng isang self-check. Inuna ko na ang sarili ko, at alam kong nasapul ako ng ilan sa mga ito. 

---

Ang paghahanapbuhay at ang iba pang larangan ng serbisyo ay isang sakripisyo. Sa una, sakripisyo upang mabuhay - matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Mula sa salitang-ugat : hanap-buhay; Sakripisyong may kapalit, just compensation ika nga. Binabayaran tayo para sa serbisyong ibinibigay natin. Kung hindi tayo gagalaw at magtatrabaho, wala tayong kikitain. Walang panlaman-sikmura sa pamilya o maging sa sarili man. 

Tulad ng nabasa ko sa isang librong nagtuturo kung paano mag-ipon, gusto ko din itong iparating sa karamihan ng mga nagtatrabaho : 

"May hanapbuhay tayo sapagkat may mga taong/organisasyong may problema. Sa pamamagitan ng ating hanapbuhay, nalulutas natin ang kanilang mga problema. Kung wala silang problema, wala din tayong trabaho."

Makes sense? 

Kaya naman nagtataka na lang ako sa tuwing may mga nagrereklamo na andami nilang trabaho. Ganito din ako dati mag-isip. Pag nadagdagan ako ng trabaho, magrereklamo ako. Maaasar, iisiping wala ito sa pinirmahan kong kontrata. Syempre, sino bang ayaw na halos "happy-go-lucky" lang sa trabaho? "Hangga't maaari, kung may madaling paraan para kumita, bakit ko pa papahirapan ang sarili ko?" "Be practical, sabi nga."

Salamat sa mga katagang iyon, natauhan ako. Ito ang reyalidad. Mahirap ang buhay. Mahirap maghanapbuhay. Kung binabayaran ako para sa serbisyo ko, marapat lamang na ibigay ko ang sarili para doon. Mas malalasap ko ang halaga ng sweldo na alam kong pinaghirapan ko talaga - pinaglaanan ng buong oras at tumanggap ng mga responsibilidad na alam kong kaya ko pang gawin. Madaming taong may problema, at malugod ako na nakakapagbigay-solusyon sa mga problema nila. 

Siguro, may mga mag-iisip na pagpapakamartir ito. Too good to be true, masyadong ideal at hindi karaniwang makikita sa totoong mundo. Okay sige, pero para sa akin, mas matimbang pa din ang just compensation. To give what is due. Hihiramin ko ang isang kaisipan mula sa kathang-isip na Fullmetal Alchemist ni Arakawa : "Law of Equivalent Exchange." Tama lang naman di ba? Maaaring kathang-isip lang ito, pero kung papakalimiin, hindi ba't may punto din naman? Equality and justice in one. 

Hindi naman maiiwasan ang magreklamo sa dagdag-trabaho, lalo na kung punong-puno na nga naman at kulang pa ang walong oras para gawin ang lahat ng dapat gawin para sa isang araw. Sa ganitong sitwasyon, isa ako sa mga sasang-ayon na dapat lamang nating tanggapin kung anong kaya natin. Wag oo lang nang oo, matutong tumanggi. Nakikisimpatiya ako sa mga taong labis-labis na ang load sa trabaho at pilit pa din dinadagdagan ang mga pasanin. Palagay ko naman justifiable na ang mga reklamo o mga hinaing. Sige , kaya nga merong OT para dito ilaan ang trabahong di nagkasya sa walong oras. Pero kung sobra-sobra na at inaabot na ng mahigit 12 oras sa isang araw, aba eh ibang usapan na yan. Dito na papasok ang mga probisyon ng Labor Code at Management Prerogative. 

Ang serbisyo ay isa talagang sakripisyo. Maaaring bata pa ako pagdating sa paghahanapbuhay, subalit pipilitin kong isaisip ang mga katagang iyon. Magsasakripisyo ako sa paraang alam ko at kaya ko. Alam ko din naman ang limitasyon ko, at alam kong kaya ko pang magsakripisyo.

---

Mula sa serbisyong may katumbas na kompensasyon, magtungo naman tayo sa serbisyong walang inaasam na kapalit. Dito papasok ang mga civic society groups, NGOs, o yung mga non-profit organizations. Sa pagkakataong ito, hindi ako sigurado kung may sapat na akong kaalaman o karanasan upang magkomento. Baguhan ako dito, at  isang sektor pa lang ang napagsilbihan ko. Isang bagay lang ang sigurado ako : mas lalong higit na sakripisyo ito kumpara sa nauna. Halos unconditional na ito. Ang tanging maitutumbas lang sa serbisyo ay ang pasasalamat ng mga taong napaglingkuran, at syempre, ang self-fulfillment matapos makatulong sa iba. 

Sa lahat ng larangan ng ganitong serbisyo, mas malaki ang investment. Manggagaling lang sa mga nagmagandang loob ang pondo, minsan sa sariling mga bulsa pa nga. Taas noo ako sa mga tao/grupo na nagpapatuloy sa ganitong serbisyo. Maaaring kadalasan ay hirap at sakit ang kanilang dadanasin, subalit hindi ito hadlang upang ituloy nila ang kani-kanilang mga adbokasiya. 

Bukod sa mga donasyon at "bente-bente", ilan pa sa mga essential dito ang samahan, tiwala, at komunikasyon. Kung sa gobyerno at hanapbuhay ay may "pulitika", meron din sa mga ganitong organisasyon. Walang perpektong sistema hangga't may taong involved. Walang perpektong organisasyon. Lahat naman may limitasyon, lalo na ang tao. May emosyon tayo, vulnerable, nasasaktan. Malaking isyu pag alinman sa mga ito ang nagkabutas. At kung sakali man na maging sanhi ng mabigat na suliranin sa organisayon ang limitasyon na ito ng mga tao, naniniwala akong may mga paraaan pa din upang magpatuloy ang serbisyo. Anumang di pagkakaunawaan at kakulangan ng komunikasyon ay di dapat maging hadlang sa pagbibigay serbisyo. Mahirap, sobrang hirap, kasi nga tao tayo. Muli at muli, magbabalik tayo sa kahinaan ng tao - maaari ding kalakasan - ang kanyang emosyon. Parang sa hanapbuhay lang. Minsan kelangan ihiwalay ang personal na buhay sa trabaho. Professionalism ika nga. 

Muli nating paalalahanan ang mga sarili sa depinisyon ng isang organisasyon : isang grupo ng mga tao na kumikilos para sa isang layunin. Hangga't nananatili ang layunin na iyon, kahit anumang maging suliranin o di pagkakaunawaan, naniniwala akong maaayos pa din ang lahat, gaano man katagal ito abutin at kahit gaano kasakit ang mga sugat na iniwan nito sa bawat miyembro. Nagbuklod na ito minsan, at walang dahilan para hindi ito mangyari muli. Hinihilom ng panahon ang mga sugat ng kahapon. Palaging may "win-win situation". Magbabalik ang lahat sa layunin ng organisasyon.

Pagdating sa serbisyo, di dapat tayo pangibabawan ng ating mga emosyon, lalo't higit kung alam nating di ito makakatulong sa atin upang maglingkod. Ang serbisyo ay sakripisyo. Pinaglalaaanan ito ng sarili.

Total sacrifice: oras, luha, pawis, dugo (minsan literal) ang inilalaan sa ganitong serbisyo. Hindi madali ang paglalakbay sa daang ito.

===

Tulad ng mga nabanggit, masaya na akong makakita ng ngiti, makasalamuha at makakilala ng mga bagong kaibigan, at makadama ng self-fulfillment habang naglilingkod. At tulad sa hanapbuhay, alam ko pa kung hanggang saan ang kaya kong isakripisyo. Masaya akong maglilingkod, kahit alam kong darating ang puntong mahihirapan din ako. Masaya kong haharapin ang mga hamon, sapagkat sa bawat sakripisyo, katumbas nito ay ngiti sa kahit isang tao lamang na napagsilbihan ko. 
o yung mga non-profit organizations

No comments:

Post a Comment