Tuesday, September 1, 2009

My Craziest Tale Ever (Posted FSBlog Sep 19, 2007)

This is written around a year ago, April 6, 2007 to be exact, when the author is uncertain of himself…
(warning: corny lines to follow. after all, it is in tagalog)

Panaginip

Hindi ko alam kung paano ito sisimulan. Oras na ang aking kalaban. Wala akong magawa. Kaya bago pa man ako tuluyang matalo, nais kong pakinggan mo lahat ng sasabihin ko. Pagbigyan mo lang ako, at malugod ko nang tatanggapin ang aking pagkatalo.Hindi ko na alam kung paano ito tatapusin… at wala na akong balak pa.Sapagkat nais kong ipagpatuloy ang kwentong ito. Ang kwentong inakala kong nagwakas na.Nais kong ibalik muli ang kaba sa dibdib ko.Nais kong muling maging masaya.Nais kong makasama ka nang kahit ilang saglit lang.Nais kong muling marinig ang tinig mo.Nais kong muling makita ang ngiti mo… ang ngiting nagbibigay-buhay sa damdamin ko.Ngayon, nais kong ialay sa ‘yo ang pinakamagandang akdang gawa ko.
“kapag malungkot ka, ipikit mo lang ang iyong mga mata. isipin mo lang na kasama mo ang taong pinakagusto mo sa ibang lugar.”

Kasama ko siya sa library. Biniro ako ng isang kaibigan niya. Tinanong niya ako kung mahal ko daw ang kaibigan niya.“Mahal na mahal,” pabirong sagot ko.Napatingin siya sa akin. Nagulat yata sa narinig niya. Nagulat din ako dahil siya naman ang nagtanong.“Mahal mo ako?”“Mahal na mahal,” sagot ko.“Mahal mo ako?” tanong uli niya.“Mahal na mahal.” Seryoso na ang tono ko.Saglit siyang nag-isip. Iniabot niya sa akin ang kamay niya na nasa anyong magpa-promise. Hindi ako nagdalawang-isip. Inabot ko ang kanyang kamay at tumugon sa hinihiling niyang pangako na hindi ako nagsisinungaling.“Promise.”

Nagising ako. Panaginip lang ang lahat.

Akala ko magsisimula na ang kwento ng pag-ibig ko. Ang hindi ko alam, nagwakas na ito bago pa man magsimula.

Ayaw ko pa sanang gumising dahil alam kong panaginip lang iyon. Pero wala akong magagawa. Gustuhin ko mang manatili sa mundo ng panaginip, sa mundong gawa ng aking isip, wala ding mangyayari. Dahil kahit kailan, ang panaginip ay hindi magiging katotohanan. Napatunayan ko na mahirap mabuhay sa mundo ng realidad. Sana, totoo nga na pwedeng manatili na lamang ang isang tao sa mundo ng ilusyon. Sabi nga sa isang kanta, “kung ikaw ay isang panaginip, ayaw ko nang magising.” Ganoon sana ang gusto kong mangyari. Ang hindi na gumising mula sa isang ilusyon na matagal ko nang pinapangarap na mangyari, pero kahit kailan ay hindi magaganap sa tunay na buhay.

Matagal-tagal din kaming nagkasama sa totoong buhay. Magkaibigan kami, at hanggang doon lang. Nasabi ko sa kanya na hangga’t maaari, ayaw kong mahulog ang loob ko sa isang kaibigan sapagkat andaming mangyayaring hindi ko aasahang magaganap. Sinubukan kong hindi mahulog sa kanya. At para makumbinsi ang sarili ko sa bagay na iyon, itinuring ko siyang isang nakababatang kapatid. Kinumbinsi ko rin ang sarili ko na may mahal akong iba, at may iba din siyang mahal, kaya’t walang pagkakataon na may mamuong espesyal na ugnayan sa pagitan namin. Hindi ko alam kung tama ang aking ginawa sapagkat simula pa lamang, itinatangi ko na siya. Naisip ko na lamang na maaari ko namang ipadama sa kanya ang aking nararamdaman nang hindi sa karaniwang paraan na iniisip ng karamihan. Hindi lingid sa aking kaalaman na kung mananatili akong kaibigan niya, maaalagaan ko siya tulad ng pag-aalaga ng isang lalaki sa kanyang kasintahan.

At iyon nga ang nangyari. Nanatili ako sa tabi niya bilang isang kaibigan. At masaya na ako doon, sapagkat kahit paano, napapadama ko sa kanyang mahalaga siya. Hindi ko na binalak na ipaalam sa kanya ang aking nararamdaman, sapagkat tulad ng dati, ayaw kong mawalan ng isang kaibigan, ng isang mahal.

Naaalala ko pa noon. Hindi ko pa man alam ang kanyang pangalan, nakuha na niya ang aking atensyon. Nasa kanya ang mga katangian ng isang tunay na Maria Clara. Maganda, mahinhin, mahiyain. Hindi makukumpleto ang araw ko kung di ko siya makikita. Halos isang taon ko siyang naging kaklase sa isa naming subject, pero di man lang ako nagkaroon ng pagkakataong makausap siya o kaya’y malaman ang pangalan niya. Sinisi ko din ang sarili ko, napakatorpe ko talaga. Eh sino ba namang maglalakas-loob lumapit sa isang magandang dilag na nag-iisa? Sa hitsura kong ito? Langit at lupa ang pagitan namin. Siya si beauty, ako si beast. Napapatawa na lang ako pag naiisip ko iyon. Paalam na, magandang dalagang di ko alam ang pangalan.
Nagpatuloy ang buhay ko nang wala sya. Laking pasasalamat ko nang malaman kong kaibigan pala siya ng isa ko pang kaibigan. Dahil doon, nagkaroon ako ng pagkakataong makilala sya. At sa wakas, nalaman ko ang pangalan niya. Masaya na ako doon. Nagkausap din kami, sa unang pagakakataon. Kung iisipin, halos isang taon ko na siyang nakikita pero ngayon lang kami nagkausap. At napapatawa na naman ako sa tuwing maiisip ko iyon. Naging mas malapit kami sa isa’t-isa nang inimbita niya akong sumali sa isang church activity. Hindi ko inaasahang iimbitahan niya akong sumali doon sapagkat bago pa lang naman kaming magkakilala. Kasama namin doon ang isa pang kaibigan. At syempre, hindi ko naman siya matanggihan. Pagkakataon ko nang makilala siya ng lubusan, bakit ko pa ito palalampasin? At isa pang bagay, gusto ko ding manumbalik sa simbahan, kahit sa totoo lang, siya lang ang dahilan kung bakit ako sumali doon. Naging maayos naman ang una naming pag-attend doon. At isa pang bagay na di ko inaasahan ang nangyari. Nakapunta pa ako sa bahay nila. Sabihin nang nakakatawa pero medyo kinabahan ako noon. Ni hindi ko pa nga siya kilala ng lubusan, tapos makakapunta na ako sa kanila? Andaming kakatuwang bagay kong naisip noon. At naging maayos naman ang lahat. Tulad ng inaasahan ko, sobrang buti ng kanyang pamilya. Masaya na akong nakilala ang buong pamilya niya. At binilang ko na ang mga araw na makakapunta muli ako sa kanila.

Unti-unti ko na siyang nakikilala. Nauunawaan ko na ang mga nararamdaman niya, ang mga iniisip niya. Katulad ko din pala siya. Pareho kaming madalas mag-isa. Nalaman ko din na madali siyang nababagabag ng mga bagay-bagay. Iniisip niyang iiwanan siya ng kanyang mga kaibigan. Kaya simula noon, ipinangako ko sa aking sarili na hindi na siya mag-iisa at hindi ko siya iiwan.
Dahil sa kanya, naturuan ko ang sarili ko kung paano maging matapang. Minsang sumama ang kanyang loob, di ‘ko inaasahang umalis siyang mag-isa. Umiiyak siya. Wala akong magawa, pakiramdam ko tuloy napakawalang kwenta ko. Hinayaan ko lang siyang umalis. Sinundan ko siya, pero di ko naabutan. Nakauwi na pala siya, umiiyak pa din. Gusto kong siguruhin na nakauwi na siya, kaya tinext ko siya, at lakas-loob kong sinabing pupunta ako sa bahay nila. Sa totoo lang di ko inisip na gawin ang bagay na iyon. Unang-una, sino ba naman ako para pumunta sa kanila para lang siguruhin na nakauwi na siya? Ikalawa, kinabahan na naman ako sapagkat kung sakaling makapunta nga ako sa kanila, ano naman ang aking sasabihin? At paano ako haharap sa pamilya niya? Iyon ang unang pagkakataon, sa buong buhay ko, na naglakas-loob akong pumunta sa bahay ng isang dalagang di ko pa masyadong kilala pero itinatangi ko na. Hindi ko rin inaasahang hahayaan niya akong pumunta sa kanila, kaya naglakas-loob talaga ako noon. Sabihin nang mababaw, pero iyon talaga ang nadama ko. Siguro nga, ganito ang nagagawa ng pagtangi… kaya nitong patapangin ang mga may mahinang-loob.

Naging mas malapit kami sa isa’t-isa. Magkaibigan na nga ata kami. At muli kong pinaalalahanan ang sarili ko: hanggang dito ka na lang. wag ka nang hihiling ng mas higit pa. masasaktan lang siya kapag ipinilit mo pa ang gusto mo. Naaalala ko din ang nabanggit niya tungkol sa isa niyang kaibigan na naghangad ng mas higit pa. Nasayang lang daw ang pagkakaibigan nila. Ayaw kong mangyari sa amin ang ganoon. Bakit pa nga ba ako hihiling pa gayong sobrang saya ko na sa pagkakaibigan namin? Madali siyang mahalin. Pero hangga’t maaari, sinubukan kong hindi mahulog sa kanya. Ayaw ko siyang saktan, kaya minabuti ko ng pigilan ang nararamdaman ko.
Madaming beses ko din syang nakita sa kanyang pinakamabigat na sandali. Hindi ko man nakita ang mga luhang pumapatak sa kanyang mga mata, naramdaman ko naman ang hinanakit na kanyang nadarama. At sa isa pang pagkakataon, wala na naman akong nagawa upang mapatahan sya. Madaming beses ko ding naramdaman na pinanghinaan siya ng loob. Sinubukan kong tulungan siya, pero di ko rin nagawa. Napakawalang kwenta ko talaga. Hindi ko man lang natulungan ang pinakamahalagang tao para sa akin noong mga panahong iyon. Naaalala ko pa ang mga eksakto niyang sinabi noon: “paano mo tutulungan ang isang taong ayaw namang magpatulong?” hindi ko alam kung paano.

Lumipas din ang mga panahong iyon. Pinaghihilom ng panahon ang mga sugat ng kahapon. Masigla na ulit siya, at masaya na ako. Pero alam kong sa likod ng kasiglahan na iyon, nasa loob pa rin niya ang isang dalagang natatakot, pinanghihinaan ng loob at nalilito. Sa pagkakataong ito, pinangako ko sa sarili kong tutulungan ko siya sa paraang alam ko. At ito ang naisip ko. Ang maging kanyang gabay.Hindi ko alam kung tama ang naisip kong maging isang gabay. Ang iniisip ko lang noon ay gawin ang trabaho tulad ng isang guardian angel sa kanyang binabantayan. Hindi siguro tama ang ginagawa ko. Alam kong may ibang mahal ang dalagang itinatangi ko, at anlakas ng loob kong pumapel sa kanya. Pero naisip ko na lang… maaari ko siyang mahalin ng higit pa sa pagmamahal ng isang kasintahan sa pamamagitan ng pagiging isang kaibigan niya, pagiging gabay niya.

Mas nakilala ko siya sa pagsapit ng isa pang semester sa school. Inayos ko ang schedule ko para makasama ko siya ng mas madalas, at para magampanan ko na din ang trabaho ko. Mas naging malapit kami sa isa’t-isa, siguro. Sobrang palagay ang loob ko pag kasama ko siya. Pakiramdam ko, kaya kong gawin ang lahat basta nasa tabi ko siya. Siya ang inspirasyon ko. Siya ang kaibigan ko. Siya ang mahal ko. Hindi ko na iniisip kung ano ako sa kanya, basta ang alam ko, sa pamamagitan nito, makakabawi ako sa kanya. Matutulungan ko siya. At higit sa lahat, mapapadama ko sa kanya na mahalaga siya.

Sa bawat araw na magkasama kami, iniisip ko kung ano na ang mangyayari kinabukasan. Ganito pa rin ba kami? Hanggang kailan kaming ganito? Sana, mapigilan ko pa din ang nararamdaman ko.

May ilang naging pagsubok sa aming pagkakaibigan. Una, nang dahil na din sa aking kabaliwan. Napakasama ko para isipin ang bagay na iyon. Naisip kong kung maibabaling ko ang aking atensyon sa ibang tao, tuluyan ko nang mapipigilan ang nararamdaman ko para sa kanya. Kaya naman, dahil na rin sa aking kabaliwan, sinubukan kong magbalik sa aking nakaraan. Pinaniwala ko ang aking sarili na gusto ko pa rin ang isang taong matagal ko nang kinalimutan. Kung magagawa ko iyon, makakalimutan ko na din ang pagtangi ko sa kanya. Pero nagkamali ako. Inisip pa tuloy niyang galit ako sa kanya dahil nanlamig ang pakikitungo ko sa kanya. Isa talagang katangahan ang gawin ang bagay na iyon. Hindi ko na kayang lokohin ang sarili ko at saktan ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Sa bandang huli, tinapos ko na din ang aking kabaliwan.

Ikalawa, at kasalukuyan pa ring bumabalakid sa aming pagkakaibigan: umiwas na siya sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit niya naisip iyon. Pakiramdam daw niya, kinaiinisan siya pag magkasama kami. Siguro, may nagawa din akong mali kaya nagkaganito ang lahat. Naalala kong muli ang minsan kong tinanong sa kanya. Ano ang pwede kong magagawa na ikagagalit niya sa akin o magiging dahilan ng pag-iwas niya sa akin. At sa palagay ko, alam ko na ang dahilan. Hinayaan ko na siyang lumayo sapagkat ayaw ko na siyang masaktan. Ayaw ko siyang mahirapan dahil sa akin. Ako ang dahilan kung bakit nauwi sa ganito ang lahat.

Mahal ko siya. Mahal na mahal. Mas pipiliin kong sarilinin ang sakit kesa pati siya ay mahirapan. Mahal ko siya, pero hindi ko hihilingin na tumbasan niya ang pagmamahal na iyon. Basta mapadama kong mahalaga siya, masaya na ako doon.

Kaibigan ko siya. Kelangan ko siyang gabayan sapagkat iyon ang ipinangako ko sa Kanya.
Mahal ko pa rin siya. Kaibigan ko pa rin siya.

Hindi ko na tatanungin kung mahal niya ako. Pero ito ang kelangan kong malaman:“Kaibigan mo pa rin ba ako?”

Alam ko, maaaring hindi na magbalik sa dati ang lahat. Kaya ngayon pa lang, gusto na kitang pasalamatan sa lahat-lahat. Salamat, sapagkat tinuruan mo akong muling magmahal, sapagkat tinuruan mo akong maging isang tunay na kaibigan. Ang hiling ko na lang, sana ay matagpuan mo ang taong magmamahal sa ‘yo at mamahalin mo din. Tibayan mo ang iyong loob. Nasa likod mo lang ang iyong pamilya, ang iyong mga kaibigan. Nandito ako, kung kakailanganin mo pa rin ang tulong ko. Alam ko naman magiging masaya ka pa rin kahit wala na ako. Basta ipangako mong magiging malakas ka na. Heto ako ngayon, at gagamitin ko na naman ang gasgas nang linyang ito: kung saan ka masaya, dun din ako. Salamat, dahil dumaan ka sa buhay ko. Patawad, para sa lahat ng pasakit na idinulot ko sa ‘yo.

Napakahina talaga ng loob ko para idaan sa panulat ang lahat ng gusto kong sabihin.Ewan talaga ako, kahit kailan.

Ipipikit kong muli ang aking mga mata. Makakasama muli kita. Hawak kong muli ang iyong mga kamay. Masaya tayong maglalakad sa mga lugar na gusto nating puntahan. Mahal kita, mahal na mahal. Sa pagpikit ng mga mata ko, hihilingin kong hindi na gumising pa. Nais kong manatili sa mundo ng panaginip, sa mundong nagbibigay sa akin ng ganap na kasiyahan, sa mundo kung saan makakasama kong panghabambuhay ang taong pinakamamahal ko.

At kung sakaling magising man ako, isang bagay lang ang ipinapahiwatig noon. Alam ko na ang dapat kong gawin. Hindi niya ako naiintindihan. Hindi niya nararamdaman ang sakit na nadarama ko. Hindi ko siya kilala, at mas lalong hindi niya ako kilala. Kaya’t mas mabuti pang mauwi sa ganito ang lahat. Pero kahit anong mangyari, mananatili siya sa alaala ko. Hindi na magbabago iyon.

May mga taong dumadaan sa buhay natin upang magbigay ng ganap na kaligayahan. Darating sa puntong maiisip natin na sana, habambuhay na nating makakasama ang taong iyon. Pero hindi lahat ng ating hinihiling ay natutupad. Mapaglaro talaga ang tadhana. Masuwerte ang mga taong nabigyan ng pagkakataong baguhin ito.

Hindi habangbuhay nating makakasama ang mga taong mahal natin. Sa isang iglap, maaari silang mawala. Masakit, subalit kailangan nating tanggapin na wala na sila, na nakiraan lang sila sa ating buhay. May mga bagay na kahit kailan, hindi pwedeng pagsamahin. At sa huli, ang tanging magagawa na lamang natin ay tanggapin ang pagkatalo at magpaalam sa mga taong pinakamamahal natin.

Kaya ngayon, ganap ko nang tatanggapin ang aking pagkatalo. Nakakatuwa, sapagkat alam kong sa ganito din mauuwi ang lahat kahit sa simula pa lang, pero ipinagpatuloy ko pa rin ang kabaliwang ito, dahil sa pag-asang may mga bagay na papabor sa akin upang mabago ko ang aking tadhana; ang aming tadhana.

Paalam na sa ‘yo. Tinatapos ko na ang trabaho ko. Tinatapos ko na ang kwentong ito.



------------------------------------------------

Side Comments again:

Makailang ulit ko din binasa ang kwentong(?) ito. Minemorize, ginawan ng english version, inisip, isinulat muli, ipinabasa sa pinakamalapit na kaibigan.

Siguro, ito na ang maituturing ko na produkto ng pinakabaliw na bahagi ng aking pagkatao

Nang ma-inlab(????????????) ang mokong sa isang kaibigan.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit palagi ko nang ninais/ginamit ang salitang/ideyang "PANAGINIP" sa mga sumunod/susunod/nakalipas kong mga katha.

Sa muli kong pagbasa nito, hindi na katulad ng dati ang aking naiisip.

Everything changes, and so feelings are....

No comments:

Post a Comment