Huling araw na pala ng September. Sa mga nakisabay sa awitin sa taas, pwede na kayo magsigising.
Ako naman, magrerequest pa ng extension ng pagtulog. Isang magandang panaginip ang buwan na ito para sa akin. Kung pwede lang, wala ng gisingan 'to. Kaso, hindi. Buti na lang, para pa din akong nananaginip kahit na bukas ang aking mga mata. Maganda ang track record ko ngayong buwan. At dahil magtatapos ka na, hayaan mong alayan kita ng isang engrandeng pamamaalam.
===
Salamat sa lingguhang tawag ng isang mabuting kaibigan, patuloy ko pa ding pinag-iisipan ang isang pangmatagalang pangarap: ang maging abogado. Pangmatagalan talaga, napag-iwanan na ako ng panahon. Dalawa sa aking pinakamalapit na kaibigan noong kolehiyo magpahanggang ngayon ang nakatakdang kumuha ng Bar Exam sa darating na Oktubre. Ang isa pa sa aming mga kabarkada, ganap nang may Atty. sa pangalan. Ang ilan, patuloy pa din sa pag-aaral. Ako, eto. Nagpapakabusy daw sa trabaho. Paulit-ulit kong pinaaalalahanan ang sarili ko sa pangarap ko, kahit pa sa kasalukuyan, hindi iyon ang daang tinatahak ko. Magulo pa ang isip ko ngayon, hindi pa ako sigurado sa gusto kong gawin. Ipagpapatuloy ko ba, or hahanap na lang ako ng bagong pangarap? Malinaw sakin ang mga interes ko, subalit hindi ko pa din maharap sapagkat kailangan kong maghanapbuhay. Mga praktikal na konsiderasyon muna dapat ang unahin.
Ang pangarap, makapaghihintay yan.
Meron pa akong siyam na buwan upang magpasya. Maaring maextend ng isang taon at siyam na buwan, dalawa, lima, sampu, o dalawampu. Ayos lang, masaya naman maghintay :)
Okay, sige. Balang araw, haharapin muli kita. Pero sa ngayon, kailangan ko munang ibuhos ang oras sa ibang layuning maaaring maging pangunahing ambisyon.
At nais ko na din iparating ang buong pusong suporta ko sa mga kaibigang haharap sa pinakamadugong pagsubok. Apat na linggo na lang ng pagtitiis. Isang malaking hakbang tungo sa ating mga hangarin. Naiintindihan ko pa din ang hirap ng pagsubok na ito. Sabi nga ng idolo nating propesor noong kolehiyo, ito ang exam na kahit bigyan sya ng isang milyon eh hindi na nya ulit kukunin pa. Nasa inyo ang aming mga panalangin, sana'y maipasa ninyo ang Bar Exam. Para sa Bayan!
===
Fully-booked ang mga nagdaang Sabado ng Setyembre dahil sa CLP. Sa ngayon, ito ang isa sa mga pangunahing pinaghuhugutan ko ng inspirasyon at lakas, hindi lang sa trabaho, kundi pati na din sa araw-araw na ibinibigay Niya satin upang mabuhay. Napakasaya maglingkod, napakasarap sa pakiramdam na may nailalapit kami sa Kanya. Dahil sa mga activities sa SFC, mas madalas pa din ang pagiging positive-thinker ko. May mangyari mang hindi kanais-nais, partikular sa trabaho (medyo dumadami, pero nevermind, I have a reason to stay positive, accept my mistakes, and take full responsibility) iisipin ko na lang muli ang mga aral, panunumpa at mga susunod pa naming gagawin dito, at hindi ko na iindahin ang mga pasakit, konti na lang pala. Nakakahawa ang gaan sa pakiramdam dito. Nagiging mas maayos na din ang pakikitungo ko sa pamilya, mga kaibigan, at sa iba pa dahil dito.
Thank you Lord for this unlimited source of happiness, inspiration and strength :)
==
Yaman din lamang na nabanggit na naman ang inspiration, kakanta na lang ako.
You're the light that shines on me
Take away my sadness
You're the reason why I still believe in loving and
When you hold meI know that deep within
Now I'm not scared to love again
Masaya pa din naman pala kumanta at magsulat. Magtanong at maghintay. Manahimik subalit nakangiti, sapagkat nakakagaan sa loob.
Oh boy, my favorite! :)
===
Muli, maraming salamat, Setyembre.
Gising na ako. Gising na gising. Subalit nanaginip pa din. Isang magandang panaginip. Panaginip sa totoong mundo.
Because right now, reality is definitely better than dreams.
No comments:
Post a Comment