Thursday, August 29, 2013

Isan' Daan't Isang Kabaliwantunaan

Sa wakas! Umabot din sa isandaan't isa ang post count ko dito. Mabibigyang-halaga ko na din ang pamagat ng blog ko. Symbolic, ika nga. 101 posts = 101 Kabaliwantunaan.

Eksaktong apat na taon ang lumipas bago ko naabot ang bilang na 'to. Wala na talaga akong pag-asa kung seseryosohin ko ang pagsusulat nang matino. Sabagay, hindi naman matino ang karamihan ng nakalimbag dito. At muli, gagamitin ko ang ultimate na palusot ko : may disclaimer ako sa frontpage. Pakibasa ulit. 

Isandaan at Isang Kabaliwantunaan

Sa isandaan at isang post ko, tingnan natin ang post count statistics base sa kategorya. Ang ilan sa mga ito ay pawang pagtantya lamang:

Kabaliwan - 80 +
Trabaho -  5+
Imported sa Friendster - 13
Writing - 15
Love daw - 12
Mga Inspirasyon - 15
Wala lang - 70 +
Kadramahan - 7
Song lyrics - 5
Pangarap - 8
Pag-aaral - 7
SFC - 21
Flashback - 8
Matino - 10+ ?




Hopeless na nga talaga -  101 posts sa loob ng apat na taon. Kung gagamitin ang law of averages (yung pagkakaintindi ko), 25 posts per year ang nagagawa ko. 2 post per month kung ididistribute equally. .067 per day. Sa dami ng nangyayari sa akin sa isang araw, wala pa sa ikasampung bahagi ang nagawan ko ng tala.

Buti na lang may nagawa pa din akong may sense dito. At buti may nagawa din ako na halos walang sense. Talaan ko ito, pinaghirapan kaya hindi ko ikakahiya. May maiiwan na din akong alaala kung sakaling wala na ako sa mundong ibabaw (wag naman po sana agad agad, madami pa akong gustong gawin).

Kabaliwantunaan. 

Isang salitang naimbento ko mula sa mga salitang ugat na Kabaliwan at Kabalintunaan. Gusto ko, iba yung dating ng pamagat nito, kaya naghalungkat ako ng kung anong salitang wala sa diksyonaryo. At dahil baliw baliwan ako apat na taon na ang nakakaraan (hanggang ngayon naman baliw pa din), eto ang una kong naisip.

Sinimulan ko ang blog na ito na may layuning maging kakaiba. Kaya ko nga ginawang personal at karamihan nasa sariling wika para di masyado makanosebleed. Free flowing, walang sinusunod na istruktura kundi pawang galing lang sa kawalan. Ayoko pahirapan sarili ko sa pagsusulat, baka lalo ako tamarin. Ngayon ngang wala akong ginawang rules, tinamad na ako eh, ano pa kaya kung meron? Tsk tsk.

Nagsimula ang mga posts mula sa pagkabored sa dating trabaho. May maidagdag lang sa workload at macompensate ang free internet access na kasama sa benefits ng isang back office agent, naisipan kong magpost ng kahit isang linya lang kada araw. Hindi ko pa din nagawa nang tuloy-tuloy, pero madami pa din naman akong naitala, at masaya na ako doon. May ilang naisulat nang dahil sa nag-uumapaw na damdamin. Ilan sa mga iyon ang nag-enjoy akong balik-balikang basahin hanggang ngayon. Ang ilan, nagpapaalala ng mga nagdaang sakit, na sa ngayon ay nginingitian ko na lamang. Lahat ng ito, nagmula sa karanasan. 


Nitong nakaraang mga buwan, nabaling ang aking mga akda sa kasalukuyang pinag-uukulan ko ng karamihan sa aking oras: ang SFC. Mga karanasan at kaalamang natututunan ko dito ang naging laman ng blog ko. Hindi naman talagang puro kabaliwan at kabalintunaan na lang iyon. Napaisip din ako kung kelangan ba gawan ko na ng bagong blog ang mga sulatin na tulad nito sapagkat di na nga sya nasa kaparehong kategorya ng mga nauna at nasa pamagat nito. Pero tinamad na uli ako, at naisip ko din na mas maayos nang nasa isang lugar lang lahat ng mga isinusulat ko. Makikita din yung "transformation" ng mga writings ko. Lupet ng palusot!

Dapat ko pa ding ipagdiwang ang ikaapat na taon ng aking kabaliwan at kabalintunaan. Maligayang ika-apat na taon, Baliwantunaan :))) Cheers!

Bago ko ito tapusin, nais kong ibahagi ang isang linya na sobrang nakarelate ako. Muli, patungkol ito sa pagsusulat. Salamat sa mga FB groups at nabasa ko 'to, very timely. Lahat ng layunin ng mga naisulat ko, naisummarize ng linyang ito. Salamat!


You write because you need to write, or because you hope someone will listen or because writing will mend something broken inside you bring something back to life - Joanne Harris.


Magpapatuloy ang kabaliwan at kabalintunaan...

No comments:

Post a Comment