Naglalakad ako sa dati kong paaralan. Nakita kong nagkaklase ang isa sa mga iniidolo kong propesor. Umaligid ako sa classroom, maya-maya'y pumasok na din doon. Napansin niya ako at ipinakilala sa kanyang klase.
Kasalukuyang nagrerecitation ang mga estudyante. Tahimik akong nakinig sa kanila habang pinagmamasdan ang reaksyon ng propesor. Mula sa kung saan, may tumawag sa akin at pinatayo ako sa harapan.
"Ano ang masasabi mo tungkol sa mga nayon?"
"Hindi maipagkakaila na may pag-unlad nang naganap sa mga nayon ngayon. Kasabay ng pag-usbong ng makabagong teknolohiya, masasabi kong umunlad na din ang mga nayon. Sa kabila nito, may ilang bagay pa din na kailangang isaalang-alang para masabing ganap ang pag-unlad. Sa nayon namin, hindi lahat ay nagaganap ng naaayon sa pagsulong. May ilan pang hindi nagkakaunawaan. Marahil, hindi mangyayari ang ganap na pag-unlad hangga't ganito ang sistema- nagsisimula sa indibidwal, baranggay captain, mayor, congressman, governor, senador, hanggang sa presidente."
Nakangiti sa akin ang dati kong propesor. Hindi ko alam kung dahil ba sa galak na makitang may nanatili pa din sa dating "ako" o dahil sa walang sense ang sinagot ko, o sapagkat iba ang gusto nyang marinig na sagot mula sa akin.
===
Nagising ako. Panaginip lang pala yun..
===
Wala ng oras para sa sunod-sunod na mga tanong. Hindi na aabot sa isang oras na pagtayo at pagsagot sa mga nakakakabang question and answer tuwing recitation. Nakamulat na ako. Gising na ang diwa. Wala na ako sa paaralan. Nabawasan na ang pagkakataon kong ipaglaban ang mga isinagot kong walang sense.
Sinasabing ang mga panaginip ay mula sa subconscious ng mga tao. Dahil dito, magagawa daw natin kontrolin ang mangyayari sa panaginip natin. Sa napanaginipan ko ngayon, siguro nga ang isang bahagi ng aking pagkatao ay patuloy na umaasang makakatayo muli ako sa harap ng klase, magrerecite, manginginig, subalit mag-eenjoy habang naghahalakwat sa isip ng kahit anong pwedeng isagot sa mga tanong at sigaw ng mga propesor.
Nakakamiss talaga mag-aral. Katulad din lang ako ng karamihan ng mga kakilala kong nakalampas na sa yugtong iyon ng buhay. Hinihiling namin na makabalik sa pag-aaral. Kung pwede lang, sana nag-aaral na lang kami at hindi nagtatrabaho. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Kailangan na naming kumayod para mabuhay. Di na kami umaasa na lang sa mga magulang para bigyan kami ng allowance, pumunta sa paaralan at makinig sa mga lectures, mag-exam, magrecite, at maghintay hanggang matapos ang school year. Matatanda na kami. Kailangan ng tumayo sa sariling mga paa. Ito ang tunay na mundo pagkatapos ng paaralan.
Muli, hindi ko pa din binibitawan ang hangarin kong makatuntong muli sa paaralan. Pero sa ngayon, ayoko munang mangako sa sarili ko na tutuparin ko ito agad-agad. May mga bagay pa akong kailangang unahin. Pamilya, SFC, Trabaho, Ipon - may iba pa akong priorities na kasalukuyan kong binibigyang-pansin. HIndi ko alam kung kailan ako makakabalik ... o kung makababaliik pa talaga ako. Sana, sana, sana.
Tutulog muli ako. Mananaginip na muling tatayo. Magsasara ng notes. Lulunok. Pagpawisan. Magrerecite. Aasang gigising at mangyayari muli ang mga ito nang hindi nakapikit ang mga mata.
No comments:
Post a Comment