Madami na akong itinuring na mga "best moments" sa buhay. Hindi ko na mabilang, at hindi na din maalala. Sa tuwing may napakagandang nangyayari, palagi ko na lang sinasabing ito ang pinakamasayang bahagi ng buhay ko.
Muli, ililimbag ko ang sa palagay ko ay ang pinakatahimik, pero masayang taon sa buhay ko.
Saktong isang taon na ang nakalipas. Dalawang buwan din akong nagluksa at nagmukmok sa pagwawakas ng pinakamagandang pangyayari sa buhay ko noon. Pilit akong humanap ng mga bagay na makakatulong sakin na makalimot. Mula sa kung saan, naisip ko na lang hanapin ang sarili sa katahimikan matapos ang isang musikang pumuno ng kulay sa aking paligid.
Saktong isang taon nang magtungo ako sa isang retreat house sa Tagaytay. 2 araw akong nagpakalunod sa katahimikan, pag-iisa at pag-iisip. Ilang tao lang ang nakausap ko. Bukod sa ibinigay saking mga babasahin, saglit na pagcheck sa mensahe ng mga kaibigan sa FB lang ang tanging pinaglaanan ko ng oras. Wala akong ibang inisip. Isinaisantabi ang lahat ng nagpapabigat sa loob ko. At paunti-unti, nakarinig ako ng bagong musika. Isang taon ko nang pinakikinggan ang musikang iyon. Naglaho na ang itinatagong hinanakit sa tuwing ngingiti. Naging napakapositibo ng lahat. Nanumbalik ang haba ng pasensya. Natutong mas maging bukas sa mga kaibigan. Bagaman tahimik pa din, mas naging madali ang pagbabahagi ng kwento. Mas napanatag ang kalooban.
Salamat sa musikang narinig ko mula sa katahimikan. Magpapatuloy ito sa pagtugtog, hindi lamang sa loob ng isang taon, kundi sa mga darating pang panahon.
No comments:
Post a Comment