Nagsimula na pala ang filing ng mga Cetificates of Candidacy (COC) ng mga gustong tumakbo sa darating na halalan. Unang araw pa lang ay isinalarawan na nito ang magaganap sa mga susunod na mga buwan hanggang Mayo 2013: makulay at maingay na tila ba isang Pyesta.
Nakakatawa sapagkat may ilan sa mga tagasuporta ng mga pulitikong ito ay nagmistulan pang mga cheering squad habang nagsusumite ng kanilang mga COC ang mga idolo nila. Hindi naman ito ipinagbabawal, nakakatawa lang talaga. Hindi ko alam kung hahanga ako sa kanila dahil napakatapat nila sa kanilang mga idolo or kung anuman. Katulad lang siguro sila ng ilang mga estudyante na sinusuportahan ang mga barista sa apat na linggo ng Bar Exams. Kung masaya silang ginagawa iyon, hayaan na natin sila. Pampaingay nga eh, pampasigla ng mood daw.
At muli, napapatawa na naman ako nang ipakita ang hanay ng mga tatakbong Senador sa magkabilang panig. Nakagawa na ako ng opinyon minsan tungkol sa eleksyon, at hindi nakapagtatakang patuloy pa din ang nakagawian na ng mga masusugid nating tagapaglingkod. Ang dating magkakaaway, magkakampi na, at vice versa. May tatlo ang tila ba namamangka sa dalawang ilog sapagkat pareho silang naanyayahan ng magkabilang panig. Abangan kung ano ang patutunguhan nito sa mga susunod na kabanata.
Maraming mga pangalang ilang ulit ng lumabas sa mga balota. Hindi pa yata ako ipinapanganak, tumatakbo na sila. Bilang isang botante, muli, napapatawa at napapailing na lang ako. Nasa kamay ba nila ang pagbabagong hinahangad ko para sa bansa? Mahirap nang umasa, pero hindi ko pa din isinusuko ang laban. Kahit sa sarili ko man lang, alam kong may pag-asa pa din. Kung hindi man ngayon, maaaring bukas.
At magsisimula lang ang pagbabagong ito sa ating mga sarili. Maging matalino na sana tayo sa pagpili ng mga itatalaga natin sa pwesto. Madilim man ang paligid, umasa pa din tayong may maliwanag na bukas na naghihintay sa atin. Lugmok man, may pag-asa pa ding makabangon tayo. Maghintay lang tayo at kumilos. Ang malawakang pagbabago ay dapat simulan sa pinakamaliit na bahagi ng lipunan. Sarili, pamilya, komunidad, pataas hanggang sa unti-uting maramdaman ang kabutihang dulot ng demokrasya. May boses tayo, bagaman hindi marinig ng iba. Wag lang tayong mapagod sa pagsigaw. Tulad nga ng isang pahayag sa Bibliya, kung patuloy tayong hihingi, tayo'y bibigyan; maghahanap at tayo'y makasusumpong; at kakatok at tayo'y pagbubuksan ng pinto.
Patuloy tayong mangarap. May bukas pa ang bansang Pilipinas.
Sa ngayon, maging mapagmatyag tayo habang idinadaos ang pista ng pulitika. Isang tamang hakbang, at may maganda nang simula ang ating tatahaking daan: Ang TOTOONG tuwid na landas.
No comments:
Post a Comment