Saturday, August 11, 2012

Tatlong Taon ng Kabaliwan at Kabalintunaan

Maligayang Kaarawan, Baliwantunaan!

Tatlong taon na din pala simula ng maisip kong gawin ang blog na ito. Bagaman madalang ko na ito napagtutuunan ng pansin, sa tuwing nababasa ko ang mga nakaraang post ko, kakaibang kagalakan ang nadarama ko. Nagmistulan na pala itong diary ko - ang bahagi ng akong pagkatao na nailahad ko sa madla. Masaya ako sapagkat kahit papaano, may maiiwan din ako sa mundo kung sakali man na mawala ako. Sa kasamaang palad, hindi puro kaaya-aya ang mga nakalimbag sa address na 'to. Kaya nga ako may babala sa itaas eh, hindi naman ako nagkulang sa paalala na para sa baliw na mambabasa lang 'to.

Nakabawi na ako sa 'yo.

Sa loob ng tatlong taon, samu't saring mga kwento, pananaw (kung maituturing man na pananaw talaga iyon), damdamin, karanasan, at syempre, kabaliwan at kabalintunaan ang naibahagi ko sa blog na ito. Karamihan dito, hindi ko masasabing pinag-isipan ko ng matagal. Hindi ako sigurado kung tama pa ba ang mga nililimbag ko. Sa kagustuhang alamin ang saloobin ng iba sa mga ginawa ko, sinubukan kong i-search ang sarili kong blog sa Google. Isa sa mga resultang nakapukaw sa aking pansin ay ang isang banggit na nahahanay sa "di pormal na sanaysay". Hindi ko ito ikakahiya. Sabagay, hindi naman ako talaga sumusunod sa mga teknikal na aspeto ng pagsusulat simula't sapul na gawin ko ang blog na 'to. Isana paraan lang ito ng pagpapahayag. Malaya. Kung ituring man ng mga teknikal na pag-aaral na masama ito, wala akong iindahin. Dito lang ako nakakadaldal. Ito ang pinakamadaling tawiran ko ng aking mga naiisip at nararamdaman, sapagkat di naman ako likas na makwento. Tahimik nga daw ako, reserved, introvert, mahiyain, at kung anu-ano pang maikakabit sa mga loner. Kaya't dito na lang ako humuhugot ng boses. Dito, ako ang hari ng mundo. Wala akong pinipilit na makiayon sa aking mga sinasabi, di tulad ng mga mapagsamantalang nasa kapangyarihan. Katulad din lang ako ng mga ilang tagapasimuno at tagapagpatupad ng batas, na kung minsan, sila mismo ang lumilimot sa mga patakarang kanilang ginagawa. Kalayaan ang habol ko dito. At sa aking pananaw, (naging responsableng mamamahayag din naman ako minsan, salamat sa campus journalism experience) nagawa ko namang magpaalala sa mga posibleng nilalaman nito. Ibinabalik ko sa mga tagamasid ang bola. Kayo na ang bahalang magsabi ng mga teknikal na aspeto. Basta ako, nagpapahayag lang nang may kalayaan.

Isa sa mga pangarap ko noong bata pa ako ay ang maging manunulat - kung hindi man ng mga nobela, kahit papaano, kahit sa mga pahayagan o kung sa iba pang naililimbag sa papel. Malinaw pa ang landas ko dito hanggang maghighschool ako. Pero sa huli, pinili ko ang isa ko pang gusto - ang pag-aaral ng batas (bagaman bigo sa simula). Sa ngayon, ang pangarap na 'to ay nagmistulan na lang na isang libangan, o kung hindi man, isang pampalipas oras. Minsan, madaming ideya o topic akong naiisip gawan ng lathalain (hindi pormal). Sa huli, dahil na din sa katamaran at kasipagan sa ibang bagay, hindi ko naisalin sa mga salita ang gusto kong ikwento. Dati, nagagawa ko pang isulat ang mga ideya. Pagdudugtungin, pagbabaliktarin, guguluhin, at saka aayusin para makabuo ng isang akda. Nung nag-aaral pa ako, nakakasunod pa naman ako sa mga pormal na istruktura ng pagsusulat ng mga sanaysay. Ngayon, makakaya ko pa din naman siguro, pero aminado ako na mahihirapan na ako sapagkat nasanay na ako sa ganitong istilo. Hindi ko pipilitin ang sarili ko. Masaya ako sa ganitong paraan. Magtatagpo din kami balang araw.

Hindi na muna ako mangangakong dadalasan ang pagpopost dito. Ayoko biguin ang sarili ko. Ayokong tuluyang dumilim ang matagal nang malabong pangarap ko sa pagsusulat. Gagawin ko lang ang gusto ko, na may kasamang konting responsibilidad. Dahil sa huli, ituturo pa din kita sa babala ko sa taas :) Yun lang ang kailangan kong palusot.

Tatlong taon. Babalikan kong muli ang lahat ng alaala ko dito. Tatawa, luluha, mapapangiti, sisimangot, mapapailing, mapapaisip. Salamat sa 'yo , Baliwantunaan. Ito ang totoo kong pagkatao. Walang itinatago, tapat sa bawat kataga.

Hanggang sa muli. Umaasa akong magpapatuloy ang kabaliwan at kabalintunaan sa susunod na tatlong taon, dekada, siglo, at milenyo.

#

No comments:

Post a Comment