(Unang-una, pinasasalamatan ko ang aking mga kaibigan sa trabaho para sa isang magandang inspirasyon sa pamagat ng kabaliwang ito. Ipagpatawad nyo kung hanggang dito lang ang kinaya ng utak ko, pero syempre, inerereserba ko ang karapatang-ari sa inyo :D
Pangalawa, ito ay opinyon ko lamang bagaman may halong katotohanan. Hindi ako eksperto sa Wika at Panitikan , kaya gagamitin ko lamang ang mga Terminolohiyang nabanggit sa paraang mauunawaan ng karaniwang mambabasa (kung may magkainteres man na magbasa sa likha ng isang weirdo at baliw), ipagsawalambahala na ang anumang kaalaman sa tamang kahulugan ng Romantisismo at Realismo)
Nakabalik na ako. Ang weirdo at baliw na manunulat sa aking sarili.
Ako na mismo ang sumira sa kredibilidad ko. Nangako ako sa sarili ko na hindi na ako muling magsusulat ng mga patungkol sa taong minsa'y nagbigay-halaga sa isang tulad ko. Matinding kabaliwan talaga ang idinudulot ng pag-ibig. Baliw na nga ako, mas lalo pang lumala. Kaya kung mawawala na din ang epekto nito, siguro, makababalik na ang dating ako: 'yung ako na mas gusto ko, mas maayos, mas matalino, mas matured, pero mas tahimik, mas reserved, mas weirdo na parang may sariling mundo. Siguro, sapat nang naiwala ko ang sarili ko minsan. Pero di pa din ako sumusuko. Handa pa din akong mawala sa sarili ko, pero sa susunod na pagkakataon, hindi na ako isang baguhan at bobo pagdating doon. Magkaganunpaman, wala akong pinagsisihan sa mga nangyari. Nagmahal lang ako, at naging masaya , isang karanasang nakalimbag na sa isang kabanata sa libro ko.
Bumabalik na ang ngiti sa aking labi na walang kadahilanan. Tinatawanan ko na ang sarili ko. Magandang senyales na bumalik na si Baliwantunaan, ang Alter-Ego ko na matagal-tagal ko ding hindi nakaniig :)
Nagsisimula ang lahat sa Romantisismo. Katulad ng tipikal na mga kwento, nagkakakilala, nagkakamabutihan at nahuhulog: mga bahagi sa Simula at Saglit na Kasiyahan. Darating sa Tunggalian, patungo sa Kasukdulan. Sa Tunggalian magbibigay ng foreshadowing kung anong mangyayari sa Kasukdulan. Kung matibay ang naging pundasyon sa Simula at Saglit na Kasiglahan, mas malamang na malalampasan ang Tunggalian at maging ang Kasukdulan. Magandang tema ang mapupunta sa Kakalasan, tuloy-tuloy hanggang sa Wakas. Pero kung hindi ganto, isang malungkot na pagtatapos ang magaganap: REALISMO - ang masaklap na katotohanan ng buhay.
Sabagay, ang buhay naman ay isang Realismo - Realismong hinaluan ng iba't-iba pang ideolohiya.
Marahil, wala akong karapatang sumulat ng ganitong klaseng lathalain, o mas karapat-dapat na tawaging "walang-direksyong-pagbubulalas-ng-saloobin". Pasensya na, isa lamang akong Baliw na Frustrated Writer :) At ito ang First Love ko.
Napuno ng drama at komedya ang nagdaang Isa't-Kalahating Taon. Naabot ko ang Kasukdulan na abot-langit ang ngiti sapagkat ito ang unang beses na naranasan ko ang ganitong damdamin. Akala ko maayos na, pero nakalimutan kong balikan ang Simula. Madaming bagay pala akong isinaisantabi na tahimik na nakaapekto sa daloy ng kwento, lalo na sa mga pangunahing tauhan. Hindi maayos ang pagkakaestablish sa mga katangian ng mga tauhan, sa mga pangyayaring naganap sa Simula at Saglit na Kasiglahan. Ang mas nagpalala pa sa sitwasyon ay ang patuloy na pagbalewala sa mga maliliit na bagay na iyon. Nakalimutan (o Kinalimutan) ko ang kahalagahan ng Lahat ng bahagi ng kwento: isang pagpapatunay ng pagka-amateur ko sa pagsasalaysay (at pagsasabuhay). Napakadami ko pang dapat matutunan. Pero ngayon, malaking aral na ang naging pagkakamali ko sa unang kwentong nilikha ng malikot at magulo kong pag-iisip. Sa mga pangunahing tauhan, humihingi ako ng paumanhin sa aking pagkukulang.
Narating ko na ang kakalasan. Nabigo ang mga tauhan sa Kasukdulan, di tulad ng mga tipikal na kwento. Nauwi sa Trahedya ang Wakas - Kakambal na din ng Realismo. Dito nagtatapos ang lahat.
Maaaring nagwakas na ang kwento, pero ang mga aral nito ay mananatiling nakatatak sa mga kamay ng manunulat. Darating ang panahon na makapagsusulat akong muli ng panibagong kwento. At sa pagkakataong iyon, makakalamang na ako ng isang hakbang kontra sa mga maliliit na bagay na hinayaan kong sumira sa magandang banghay na aking inisip. May cheat sheet na ako , at hindi na ako aasa sa "walang-direksyon-kong-pag-iisip-ng-kung-anu-ano". ipinagpapasalamat ko ang karanasang ito. Wala akong pinanghihinayangan sa isang magandang simula, sa isang magandang kwento, bagaman nauwi sa Wakas. Hindi naman lahat ng kwento ay may masayang Wakas.
Meron nga bang masayang Wakas?
Nasa pag-iisip lang yan.
Kaya't eto ako ngayon. Patuloy na Tumatayo at Humaharap sa mga Hamon ng Buhay. Mag-isa man, alam kong madami pang mga pangalawa/pangatlong tauhan akong maaasahan. Ang ilan sa kanila, nakalimutan kong isama sa una kong kwento - isa sa mga malaking pagkakamali ko. Sa uulitin, hindi na ako magkakamali ng ganitong katindi. Syempre, bukas ako sa mga pagkakamali, sapagkat ito ang mga aral na higit na tumatatak sa akin. Pero iiwasan ko ng ulitin ang mga iyon. Natuto na ako. Tama na ang minsan. Mas uunlad ang isang manunulat kung tutuklas sya ng ibang istilo, at hindi gagamit ng parehong banghay, at parehong kakulangan, sa lahat ng kanyang katha. Panahon na din para gawin 'to. Malawak ang mundo. Nagkalat lang ang mga kaisipan sa tabi-tabi.
Hanggang sa susunod kong katha.
- Baliwantunaan,
07 Hulyo 2012
No comments:
Post a Comment