Tulad ng isang kaibigang matagal na hindi nakita. Unang tanong: Kamusta ka?
Unang post para sa taong 2012. Kumpirmado. Di ko natupad ang pangako ko sa huling post ko. Hopeless na talaga ako. Pero tulad ng nakagawian, isaisantabi na lang ang mga alituntuning ginawa ko, tulad ng pagsasawalambahala ng ilan sa mga patakarang sila din mismo ang gumawa. May future ako sa corruption. Bwahahaha! (Wag mangamba, malayo 'to sa landas na gusto kong tahakin)
Hindi ko alam kung anong sakit ang tumama sa 'kin. Di ba't sinabi ko noon na hilig ko ang pagbabasa at pagsusulat. Pero ngayon, nasan na? Andami ko ng nakalinyang libro na hindi pa matapos tapos basahin. Napakadami ko namang libreng oras. Matindi talaga ang tama ni katam. Tsk. Pano ba kita tatalunin? Unang hakbang: unti-untiin. Kaya eto, di ako makasigurong makagawa uli ng panibagong post. Darating din tayo dyan.
Sa ngayon, ano nga ba ang iniisip ko? Magulo, oo, matagal na. Andami kong iniisip.
Trabaho: Masaya naman ako sa bagong ginagawa ko sa trabaho. Masaya talaga maghanap, kahit minsan, nakaka-frustrate pag di agad makita ang gustong tuklasin. Mahahasa pa din ako dito, sana may sapat pang panahon para magpakasanay dito.
Pag-aaral: Sa tuwing makakabasa ako ng post ng mga naging kaklase ko sa law school at ng mga taong nakaimpluwensya sa 'kin nun college, palaging bumabalik ang isip ko sa kung pano makatutuntong muli sa paaralan. Nasubukan ko na, subalit hindi ko din natagalan . Mahirap pala talagang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Lalo pa ngayon na puro panggabi na ko, pano pa kaya ako makakabalik sa matagal ko ng gustong ipagpatuloy? Hindi pa naman siguro ako ganon katanda, pero pakiramdam ko, napag-iiwanan na ako. Oo, palaging nakatingin ang isang mata ko sa pag-aaral. Ang problema, hanggang tingin na lang, di magawang gumalaw ng mga paa ko ayon sa iniisip at nakikita. Isa lang maipapangako ko sa sarili ko: Babalik at babalik ako, abutin man ng mahabang panahon.
Pag-ibig: Next topic, please :))) Basta ang sa'kin lang, sa'kin na lang :))) Masaya maghintay :)
O kaytagal din kitang minahal
O kaytagal din kitang minahal...
Pagsusulat: Eto na talaga siguro, bukod sa pag-aaral, ang isa sa mga frustrations ko. Gustuhin ko mang maging katulad ni Portgas D. Ace "Who lived without no regrets", mukhang mahirap para sa 'kin. Sabagay, hindi pa naman tapos ang buhay ko (sana tumagal pa kahit ilang taon lang), pwede ko pa tong balikan. Makapagsulat man lang kahit walang direksyon. Dun lang naman ako magaling. Puro abstract, walang objective, scope and limitations, methodology, results and conclusion. Dito ako masaya at ito ang paraan ko, kaya wala akong dapat ikahiya. Nagsusulat ako para magpahayag, hindi para magpakitang gilas. Ito lang ang madaling paraan saken para magpahayag ng nararamdaman, sapagkat di naman talaga ako likas na makwento at palaging nakatikom lang ang bibig. Pag nakabalik na siguro ako sa pag-aaral, marahil , dun ko talaga mapwersa ang sarili ko na magsalita (nang malakas). Soft spoken daw ako eh, and I admit it. Kelangan ko pa talaga ng madaming training.
Pakikisalamuha (Social Life, hahaha): Meron pa din naman ako nito kahit hindi halata hahaha! Isang bagay lang siguro na nami-miss ko eh yung magkaroon ng kaibigan na mapagsasabihan ko ng lahat - lahat. Meron pa din naman sa ngayon, kahit di na ganon kadalas. Sana lang maulit yung mga panahon na nakakagala kami ng mga kaibigan ko nung high school/college, etc. Kung hindi siguro busy, sana makatakas kahit ilang oras lang.
Pulitika: Hmmmm, no comment :) Intayin ko na lang uli ang pagbabalik ng impeachment trial para naman madami pa akong matutunan, katuwaan, kainisan, sang-ayunan at kontrahin. Magandang paraan din siguro to ng pagkokondisyon sa isip kong unti-unti nang kinakalawang. Penge ng Tide, makapagbura :D
Pamilya, Relihiyon: 2 sa pinakamahalagang aspeto sa buhay ng bawat tao, 2 din sa mga halos di ko na napagtutuunan ng pansin. Aminado ako naging makasarili ako, tinamad, at lahat pa ng kung ano-anong maitatapat sa isang palpak na anak/katoliko. Gusto kong ibalik ang dating ako. Ako na madalas sumimba, magdasal, makisama sa pamilya, etc. Kung may mga bagay man ako na gusto pang pagbutihin, ito ang maging priority ko. Ironic, priority, pero pang-huli sa listahan. Tinatawanan ko na naman ang sarili ko. Sige lang, ako nga si kabaliwantunaan eh.
Ano pa ba? Masyado na ata akong madaldal. Good start :)
Hanggang sa uulitin. Nga pala, eto sagot ko sa tanong:
"Heto, buhay pa din."
No comments:
Post a Comment