Monday, December 5, 2011

Buhayin si Baliwantunaan

Matagal ko na din palang hindi nabigyan ng bagong lathalain ang nag-iisa kong "journal". Panahon na siguro para muling isabuhay ang anumang nalalaman ko sa pagsusulat; di teknikal, pero dumadaloy ng base lang sa kung ano ang aking naiisip at nararamdaman.

Napakadami ko ng naisip na gawan ng mga bagong sulatin/pananaw/komento/kritisismo at kung anu-ano pa. Lahat ng 'yon nauwi lang sa drawing dahil sa hindi maipaliwanag na katamaran ng may-akda. Kung seseryosohin ko ang karera sa pagsusulat, malamang nasa unang pahina pa lang ako, sinibak na ako ng editor ko. Nawala na ang consistency sa pluma ko. Walang buhay, continuation, thrill, damdamin. Magsusulat lang ako kung kelan ko gusto: kung masaya, malungkot, bigo, galit, dismayado, blah blah blah.. Hindi ko magawan ng pormal na tema ang mga posts ko sa blog na to. "Pwede namang magdahilan, di ba? Pakibasa ng disclaimer sa Home Page ng blog na to."

At muli, hayaan nyo akong ibalik ang kabaliwan na dati'y araw araw kong isinasabuhay. Hayaan nyo akong magsalita ng mag-isa, magbulalas ng saloobin at magpakabaliw. Hindi habangbuhay kong itatago ang isa sa mga natural kong persona. Hayaan nyo akong maging "self-proclaimed writer" bagaman amateur at walang sense ang mga pinagsusulat. Magpapalusot na lang uli ako: kunwari pagsasanay ito para sa pagbabalik ko sa paaralan (kelan kaya mangyayari yun?) at paghahasa ng pumurol ko ng kukote. Ang totoo, gusto ko lang uling palipasin ang oras ko at gawin naman itong productive . Nakakasawa din ang "Waiting Time".

Mission: Buhayin si Baliwantunaan.
==================================

Matatapos na pala ang 2011. Sa buong taon, naka-limang post lang pala ako dito -- Una, patungkol sa pagdisband ng isa sa mga paborito kong banda; Pangalawa, sa climate change (per request ng kapatid ko sa panulat ); pangatlo sa pagsusulat (katulad ng ginagawa ko ngayon) at kung paano na ang lagay ng panulat ko; pang-apat at panglima, tungkol sa kabaliwanmg ngayon ko lang muling naranasan. Madami pa akong nasulat ngunit wala na akong planong ilathala dito. Tahimik akong tao pero ginagawa kong open book ang buhay ko sa pamamagitan ng blog na 'to, pero di ibig sabihin na pwede ko nang iulat lahat ng naiisip ko dahil ayaw kong makadistract ng iba at ayokong makasuhan ng anumang "against right to privacy". Pati ang kaunting nalalaman ko sa mga batas, nawala na. Paano pa kaya ang plano kong pagbabalik sa law school. Haaaaaaaaaaaaaaaay. Isang mahabang buntong-hininga.

Sa nakalipas na taon, madami din namang nangyari na hindi ko inaasahan pero matagal ko nang inaasam. Nakahanap ako ng bagong trabaho; (bakit ba di ko nagawan ng post yun? Highlights of this year yun ), nakalipat muli sa ibang lugar (madami ng narating ang promdi na to) , at nakahanap ng taong tumumbas sa pagpapahalagang pinakita ko sa kanya. Lahat ng 'to pwede kong magawan ng kung ano-anong mga kwento pero dahil nga sa tamad ako, di na din natuloy. Pwedeng magpalusot ulit? Busy ako sa trabaho at sa lovelife. Hahaha! Sana pwede ko pa ring gawing dahilan yun.

Ang ingay ko. Okay lang, kung gusto kong magpaka "Bob Ong", ganto dapat ang ginagawa ko. Ang problema, wala akong structure na sinusunod. Okay, kalimutan na ang teknikal na pagsusulat. Sabihan na ako ng weirdo, baliw at may sariling mundo, pero wala akong pakialam (goes back to the "the hell I care" days I had when I was active in the chat world). Sabi ko nga, buhayin ang kabaliwan at kabalintunaan . Kaya eto, hindi ko na iniisip ang mga itinatype ko at bahala na ang mga daliri ko sa kung anong pindutin sa keyboard. Mapapagalitan na talaga ako ng mga dating propesor ko sa paaralan at ng mga talagang nakakaalam sa mga ginagawa ko dito.

Sige, tuluyan ko na pagpapakabaliw. Kelangan kong makaisip ng topic na pwedeng gawan ng sanaysay at pipilitin kong lagyan ng saysay. Pengeng suggestions. Hindi na ako updated sa trending ngayon eh. Di active ang twitter ko.

Susubukan kong patalasin muli ang nag-iisa kong itinuturing na talent. Subok lang, ayokong biguin ang sarili ko sa huli nang dahil sa iba't ibang dahilan na sa huli'y katamaran din naman ang sagot. Kelangan, bago magtapos ang taon, may mailagay akong panibagong post dito. Kung di ko magagawa, isa na akong hopeless case sa pagsusulat.

Itutuloy...

No comments:

Post a Comment