Hay! Kainaman naman na! Bakit ganoon? Ang ganda ganda ng paliwanag hindi pa agad nakuha ang ibig sabihin! Naturingan pa naman silang mga "eksperto" sa ganoong usapin.
Oo, siguro nga iba't -iba ang pang-unawa nga mga tao sa isang bagay. Tinitingnan natin ang isang bagay at binigyan ng magkakaibang kahulugan. Ang mga interpretasyon natin ang magtatalo, ang magpapanglaban. Matapos man ang usaping ito, may manalo man o matalo, mananatili pa din ang naggigiriang mga opinyon hinggil dito.
Nirerespeto naman namin ang inyong desisyon. Syempre, kayo ang otoridad, nasa inyo ang kapangyarihan at ang huling sabi. Pero sana man lang, bigyan niyo ng pagkakataon ang karamihan na ipaabot ang kanilang pananaw. Madami kaming nangangailangan ng "katotohanan, tama at makatarungang desisyon. Wag nyo ng palabuin ang isang bagay na maliwanag pa sa sikat ng araw.
1987 Philippine Constitution : Article VII, Section 15.
Two months immediately before the next presidential elections and up to the end of his term, a President or Acting President shall not make appointments, except temporary appointments to executive positions when continued vacancies therein will prejudice public service or endanger public safety."
Malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na HINDI MAAARING MAGTALAGA sa kahit anong posisyon ang Pangulo dalawang buwan bago ang susunod na halalan. Walang nabanggit na hindi nasasakop ng pagbabawal na ito ang pagtatalaga sa Hudikatura. "Expressio unius est exclusio alterius" - The expression of one thing is the exclusion of another. Mismong ang mga taong nasa likod na ng pagsusulat ng kasalukuyang konstitusyon ang nagpatunay na walang malabong kahulugan ang nasabing probisyon. Ang Korte Suprema na din mismo ang nagpatunay nito sa isang nakaraang desisyon noong kapanahunan ni Pangulong Ramos. Bakit nila babaligtarin ang nakaraan nilang desisyon? May nakita ba silang mali dito?
Sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema, pinagtibay nila na maaaring magtalaga ang Pangulo ng kapalit ng magreretirong Punong Hukom, bagaman nasasakop na ito ng constitutional ban. Isang midnight appointment na nag-aambang maghudyat ng pagkagapi ng katarungan at pagtatakip ng mga bahid ng mga korupsyon sa gobyerno. Wag nating hayaang habambuhay na lang tayong magbubulag bulagan sa katotohanan. Wag nating hayaang tanggalan tayo ng karapatang magmatyag at idulog ang "katarungan" sa mga taong nararapat lamang na makatanggap nito. May magagawa tayo. Di na tayo magpapasiil.
Hayaan nating mangibabaw ang katotohanan at ang nararapat.
No comments:
Post a Comment