Monday, May 27, 2013

Backtrack : Marso Abril Mayo

Muntik na naman ako tamadin magpost sa nag-iisa kong journal. Ilang buwan din ang kelangang balikan para ma-update to. Yan kasi eh masyado naging abala sa kung anu-ano, nakalimutan tuloy magpost sa blog. 

Patalasin muli ang memorya. Isaimortal at itala ang kasaysayan. Heto na. 

===

Marso:

Isa sa mga highlight sa buwan na ito ay ang himalang (oo, himala) bakasyon na mahigit sa isang linggo. Mula nang magsimula akong maghanapbuhay ay ngayon ko lang naranasan ang ganito kahabang leave. Salamat sa mga natira ko pang leave credits last year, may magagamit ako ngayon para mag-enjoy. 

Unang gala: UAAP Women's Volleyball Finals. 

Dalawang taon na din mula ng huli akong makapanood nito. This time, kasama ko ang ilang sa mga kapatid ko sa SFC. Ako lang ata ang Green, lahat sila Blue :D. Never shall we fail: ayos na ang fellowship namin, panalo pa La Salle. See you next season na lang. 

==
Nagsimula na kami ng leafletting para sa susunod na CLP ng SFC Napico 2 Chapter. Unang pagkakataon ko na magserve. Ipinapanalangin ko na madami kaming maanyayahang dumalo at makasama namin sa paglilingkod sa Kanya.

==
Next stop: Date with Shin & Kay. ShinKayCoy Version _.0. 

Tawanan, hagalpakan, kantahan, lokohan. Eto ang palagi naming trip. At san pa ba kami pupunta? Eh di sa bago naman, sa Trinoma ulit XD . Pampawi ng pagod at pampapagod ng labi sa kakangiti pag kasama ko ang dalawa sa mga pinakamalapit kong kaibigan mula sa Uzzap. At marami pa kaming balak. Next time magrerecord uli kami ng video. Isip na kayo ng pwedeng kantahin. :DDD

==

At dahil bakasyon ko at magsisimula na ang summer, kelangan munang magpalamig. Baguio for the first time. :D

24 anyos na ko, pero ni minsan di pa ako nakatuntong sa Baguio. Ayaw ko namang matawag na turista sa sariling bayan, kaya ginagawa ko ng layunin ang makapunta sa mga tourist spot sa bansa. Unti-unti lang muna, ngayon ko lang lubos na maeenjoy ang kalayaan ko. 

Ang balak ko talaga nung una ay magsosolo trip. Gusto ko ulit maranasan na maligaw sa malayong lugar. Adventure para sa akin iyon, at dahil kay Monkey D. Luffy, mas nananabik ako kapag may naaamoy akong pakikipagsapalaran. Last minute, sumabit si Jeff, isa sa mga pinakakapinagkakatiwalaan ko sa SFC community. Makakatipid din ako pag may kasama at may makakausap, kaya diretso na. Martes ng hapon, ikalawang linggo ng Marso nang magsimula ang byahe namin. Lumapag kami sa Baguio mga bandang 10 na ng gabi. Heto na ang lamig! Triple ang lamig dito kumpara sa hometown ko. Isang malalim na langhap sa hangin ng Baguio at dama ko na ang simula ng pakikipagsapalaran. 

Tumuloy na kami sa transient house na narentahan namin. Dahil gutom na, napagpasyahan namin kumain muna bago matulog. Di masyadong maganda ang lasa ng natapat na pagkain sa amin, pero pwede ng pagtyagaan. Balik sa kwarto, tulog, at gising sa sobrang lamig na umaga. 

Swerte talaga kami, dahil sa transient house na tinuluyan namin ay nakausap at naging kaibigan namin sina Ate Flor, Mara, at Clara este Roseann. Kasama nila si Baby Hershey at ang kanyang Mama (sorry po nakalimutan ko name nyo). May inoffer samin ang tagapamahala ng transient house na tour sa Baguio. Magbabayad lang kami ng tig-500 at malilibot na namin ang mga tourist spot na walang kapagod-pagod sapagkat may sariling sasakyan. Ayos na yun, medyo nabawasan ang adventure pero sulit na din. 

Kwentuhan, biruan at tawanan lang kami habang bumabyahe at iniikot ang Baguio. Napakabait ng mga bagong kaibigan namin. Salamat Lord God sapagkat itinaon mo na makasama namin sila kahit ilang araw lang. Bell Church, Strawberry Farm, Tam-awan Village, Lourdes Grotto, Lion's Head, PMA, Camp John Hay, Butterfly Sanctuary (sa labas lang, sarado kasi), Botanical Garden (sa labas din lang, nirerenovate), The Mansion, Mines View, at Burnham Park. Isang araw lang at solve na ang Baguio trip.

Naudlot ang three-day stay sana namin sa Baguio. Ayos lang, sapagkat naimibitahan naman kami nina Ate Flor na sumama sa kanila sa Pangasinan. Sulitin na ang bakasyon! Namili lang muna kami ng mga souvenir, at sibat na sa Alaminos. Mula sa talampas, diresto kami sa mga isla. Hundred Islands daytrip naman. Salamat sa masayang bakasyon. Kelangan na uli mag-ipon ng leave credits para sa sunod na gala. :D

==

Marso din nang maitalaga ang bagong Santo Papa, si Pope Francis. Habemus Papam!

==

Holy Week sa huling Linggo ng Marso. As usual, wala kaming holiday sa trabaho, kaya weekend na ng makauwi ako. Pagkakataon ko na maitreat ang pamilya ko. Tinapos namin ang Marso sa isang family outing sa El Madero. 
===

Abril

Punong-puno ang schedule ko ngayong Abril. Chapter teaching and Fellowship, CLP, Sarah G. :), Sugarfree, first time meet-ups with long-time friends, foodtrip, at ilang beses na birthday celebrations. 

Ilang beses din ako nalate ng pasok sa trabaho dahil sa mga chapter teaching/fellowship. Mas malinaw na sakin ang mga priority ko, kaya sabi ko nga, di bale ng late sa work, masaya naman :))). Kaya ko pa din naman ibalance ang trabaho ko at ang pagiging myembro ng SFC. Habang nandito ako sa community, alam ko magpapatuloy ang magagandang nangyayari sa akin. Bagaman madami pa din akong haharapin na mga pagsubok, malalampasan ko ito sa tulong Niya at ng aking mga kapatid. 

Simula na din ng CLP namin. Kung dati isa ako sa mga umuupo upang makinig sa harapan, sa pagkakataong ito nasa likod naman ako at nag-aasikaso ng mga papel. Salamat at ipinakatiwala sa akin ang isa sa mga tungkuling makapaglingkod sa pagkakataong ito. Nawa'y maging matagumpay ang CLP namin at madami kaming mapagraduate. All these are for you, Lord God :)

==

Hinding-hindi ko palalampasin ang ikatlo at huling (sana may part 4 :D) bahagi ng kwento nina Miggy at Laida. Tatlong beses ko din to napanood. Yung una kasama si Neng ko mula sa Uzzap; yung pangalawa kasama ang anak ko sa Uzzap sa unang beses naming pagkikita :); at pangatlo kasama naman ang Inay :).  Di ako ganun kaadik kay Sarah. (Trivia: Habang isinusulat ko ito, kasalukuyan kong idinodownload ang movie. Makakailang beses ko pa ito panonoorin :D) 

 It just takes a star to get up so high :)

==

Parang kailan lang, 24 lang ako. Ngayon 25 na. Punong-puno ako ng galak sa dami ng mga bumati at sa makailang beses na selebrasyon ng aking pagtanda. Mula sa Ketchup Inscription at mini Kid's Party sa Mcdo kasama ang aking SFC Family, sa photo collage at cake mula sa aking mga teammates sa trabaho at iba pang kasamahan, hanggang sa pagdiriwang nito kasama ang aking pamilya: lahat nang ito lubos akong napasaya. Di ko ramdam na tumanda ako. It's been a while since I had this kind of celebration. Thank you Lord God :)

==

Punuin ng musika ang paligid. Muli, kumpleto ang ShinKayCoy sa pagdiriwang ng musika ng Sugarfree, ang paborito naming banda. Ikalawang theatrical play na napanood ko at mananatili sa aking pandinig ang musika nila. Sa Wakas! Isang kwento ng pagwawakas ng isang pag-ibig at pagsisimula ng panibago. Bukod sa nakisabay ako sa mga awitin ng pinakaastig na banda, naka-relate din ako sa daloy ng kwento. Nakakaluha ang tagpo ng hiwalayan. May naalala ako na di na dapat alalahanin :-/. Sana, katulad ng kwentong iyon, matapos ang isang pagwawakas, makahanap naman ako ng bagong simula. 

Natagpuan ko na ang tunay kong ligaya. Lumabas ako ng Kwarto't naroon sya. 
==

April is Uzzap friend's month meet-ups for me. Unang linggo, kasama ko si Neng na manood ng It Takes a Man and a Woman. Ikalawang linggo, ang Shinkaycoy sa Sa Wakas. Ikatlong linggo, ang aking anak-anakan, para sa It Takes 2.0 at foodtrip sa Mega. Habol din ang mga Adikkk at Baliwww na kaibigan mula unang room ko sa Uzzap, ang S11. Syempre, foodtrip din. Busog na busog ako sa tawa kasama sila. :D

Sunod!
===

Mayo

Okay, nakahabol na ako ng 1 post per month. Dapat 3 post na 'to eh, para lang masabi na may naitatala ako dito kada buwan. Ayos na 'to. Maingay na ako masyado. Pero di bale, at least may babalikan ako pagtanda ko, mababasa at magpapaalala ng mga nangyari sa mga nagdaang panahon. 

May One. National Holiday. Para sa mga fans ng One Piece sa Pilipinas :D

Sa unang pagkakataon, ipinalabas sa pinilakang tabing ang One Piece. Matiyaga kong hinintay ang petsang ito at di nanood sa internet kahit pwede naman. Iba pa din syempre kapag sa big screen ito panonoodin di ba. At di ako nagkamali sa pag-aabang dito. Kasama ang isang matalik na kaibigan, sinugod namin ang Mega para maging mga pirata.

==

Unang weekend ng Mayo. Unang gala kasama ang mga katrabaho papuntang Tagaytay. Mukhang mapaninindigan ko na ang pangakong every month may out-of-town trip. Halos biglaang lakad din to, originally Anawangin sana ang destination. Sulit na din, nakapagpalamig naman kami mula sa stressful na trabaho at nakakain at nakapagrefresh sa Tagaytay. Gusto ko sana magretreat, ayaw lang ng mga kasama ko. Babalikan ko na lang muli ang pinangakuan ko doon. At ipapakita ko sa kanila ang resulta ng soul-searching na sinimulan ko noong kabilang taon. 

Memorable ang kain sa Leslies. Bukod sa nakakain ako ng solid sa pagkakataong ito (unang beses nag milk shake lang ako, solo lang kasi), kinantahan pa kami ni Ate ng You Changed my Life. Nahulaan ata na Sarah fan ako kaya sakto, ayun lagas ang Manuel Roxas. :D Matapos kumain, kape naman sa Starbucks. Konting lakad, at diretso na sa Pink Sisters. Pagkakataon na manalangin :) First time ko din doon, at naenjoy ko naman ang paligid. Ang sarap pakinggan ng katahimikan, sabagay tahimik din naman akong tao (dito lang ako maingay :P). Ilang saglit pa at dumiretso na kami sa Picnic Grove at doon nagpaabot ng dilim. Sana lang pwedeng iuwi ang humahampas na hangin sa aming mga mukha. Nakakatanggal ng pagod ang hangin. Ang sarap sana matulog doon. Ginawa lang naming viewing deck ang isa sa mga cottages dun, at kinalaunan ay umuwi na din sa aming mga tahanan. Ayusin na ang susunod na gala, next time kainan naman. 

At speaking of kainan, napapadalas na ang pig-out ko kasama ang mga katrabaho. Sira ang pinaghirapan kong diet nito. Ubos na yung iniinom ko. Bahala na. Less rice na lang :D. 

==

Ikalawang linggo ng Mayo. Ikalawang Lunes. Halalan na naman. 

Kelangan ata may sariling post para sa topic na 'to. Pero pipigilan ko muna ang aking sarili. Madami akong gustong ilabas na saloobin sa nagdaang halalan. Batikos, hiling, at kung anu-ano pa. Karapatan ko ito bilang isang mamamayan ng bansa. Sa ngayon, magmamasid na lang muna ako. Hindi muna ako maghuhusga, kahit sa isip at salita ko ay may ilan na akong napuna. Hihintayin ko na lang ang status report mula sa mga bagong halal na pulitiko. At tingnan na lang natin kung ano ang aking magiging susunod na aksyon. Hindi pa din ako nawawalan ng pag-asa para sa bayan na 'to. May maitutulong pa ako, kahit man lang sa pamamagitan ng aking panulat. Mabigyan pa sana ako ng pagkakataong makalahok sa pamamagitan ng iba pang gawaing sosyal. 

==

Isang di magandang balita ang aking natanggap. Pumanaw na ang aming Kakang Eboy. Siya ang panganay sa mga kapatid na namayapa ko na ding Tatay. Isa sya sa mga palaging kumukumusta sa akin sa tuwing umuuwi ako sa Lipa. Mula bata pa ako, ilang beses na din nya akong natapalan upang magamot ang sari-sari kong karamdaman. Madami syang naitulong sa buong angkan, lalo't higit sa mga taong lumapit sa kanya upang magpagamot. Sa dami ng kanyang natulungan, alam kong mapayapa at masaya siyang tatanggapin sa kaharian ng Diyos sa langit. Sana po ay patuloy niyo pa din gabayan ang mga nagmamahal sa inyo lalo sa inyong pamilya. Salamat po sa lahat ng naitulong ninyo sa amin. Hanggang sa muli, Kakang Eboy. Alam namin na masaya na kayo ngayon at mapayapa kasama ang Tatay, Mamay at Nanay dyan sa piling ng Maylikha. 

Sa muling paglipad ng mga puting lobo, unti-unting papawiin nito ang mga bakas ng luha mula sa inyong mga naiwan. 

==

Patuloy pa din ang mga activities namin sa SFC. Masaya ako at madami pa din ang dumadalo sa lingguhan naming CLP. Magpatuloy pa sana ito hanggang sa Talk 12, at maging mga aktibong miyembro din sana sila sa community. Ang sarap ng pakiramdam na nakakapaglingkod sa Diyos at sa kapwa. Nawa'y patuloy na mag-alab ang aming mga puso sa paglilingkod sa Inyo. 

==

Patapos na ang Mayo. Nakabawi na ako sa'yo, Baliwantunaan. Madami pa akong mararating. Madami pa akong maisusulat. 

Ihahanda ko na ang aking pluma at papel para sa susunod na kabanata. 

#

No comments:

Post a Comment