February na pala. Ambilis lumipas ng unang buwan ng taon. Isa na namang pagbabalik tanaw ang aking naiisip sa tuwing darating ang buwan na ito. Dahil sentimental akong tao (half senti, half mental :P), hayaan nyong lumingon ako sa nakaraan.
Now Playing: Handog (Sarah G. Version)
Parang kailan lang ang mga pangarap ko'y kay hirap abutin...
February 2, 2009. Apat na taon na din pala ang nakalipas mula nang magsimula akong magtrabaho sa Kamaynilaan. Apat na taon na din pala akong nagsasarili, nagpupumilit tumayo sa sariling paa at nabubuhay na halos mag-isa. Andami na din palang nangyari. Nagsimula ako bilang isang promding napadpad sa Paranaque. Doon ko naranasan ang kumain ng dalawang beses lang sa isang araw. Palaging half pa yung serving ng gulay (oo, gulay, sapagkat kinailangan kong magtipid bago matikman ang unang sweldo), makisama sa mga roommate ko sa maliit na kwarto, maglaba ng sariling mga damit, at syempre, malayo sa pamilya nang matagal. Desisyon ko naman na dito maghanap ng ikabubuhay. Sabi ko nga, mas madami kasing opportunity sa kabihasnan. Mas madali akong kikita kumpara sa probinsya. Bagaman hindi na din naman masyadong nalalayo ang minimum wage sa amin dito sa Maynila, pinili ko pa din dito sapagkat mas mapapatibay ko pa ang sarili ko sa mga susunod na hamon ng buhay na mag-isa kong haharapin. Isa lamang ako sa milyong taga probinsyang lumuluwas dito para maghanapbuhay. Mas maliwanag kasi dito. Pero mas maingay, mas magulo, mas madaming tao. Sabayan na lang ika nga. Naiimagine ko pa noon ang sarili ko na parang isa sa mga tauhan ng "Mabangis na Lungsod". Sana naman hindi ganoon ang mangyari sakin pagtuntong ko sa maliwanag at maingay na lungsod.
Ilang beses din akong lumipat ng tirahan habang nagtatrabaho sa Paranaque. Mula sa 9th St., napadpad sa Marikina, at bumalik sa Paranaque malapit sa kumpanya, lumipat sa kapitbahay kung saan nabiktima ng Bagyong Ondoy ang aking sapatos at kalahati ng kwarto, hanggang mapadpad sa 5th St., ang huling silid ko doon. Mahigit dalawang taon din akong nagpalaboy laboy sa Paranaque. Nasanay na akong tumayo sa sariling paa. Ilang unos na din ang hinarap ko nang mag-isa. Hanggang sa dumating ang isang bagong oportunidad upang maging masaya at umunlad.
Pebrero 2010. Sumubok akong muling dugtungan ang naudlot kong pangarap. Nagtake ng entrance exam sa isang kilalang paaralan sa Maynila. Nalito, nagulumihanan, naglakas-loob, para lamang makahakbang ng kahit isang baitang patungo sa abogasya. Naging matagumpay naman ang unang hakbang ko, salamat sa mga kaibigang nagpahiram ng memory aides at sa memo plus na nagpatalas umano muli ng aking alaala. Di kalaunan, naging mabato ang tinahak kong landas. Siguro naging malabo lang ang aking paningin, at hindi na kinaya ng reading glasses ko ang ulop na nakapaligid sakin. Hanggang sa tumigil ang mga hakbang. Ikinahong muli ang mga babasahin at sulatin, at nangako sa sariling maglalakad na lang muli kapag kumpleto na ako sa kagamitan --- at lakas ng loob.
Pebrero 2011. Dalawang taon na ang nakalipas. Di ko napansin, angbilis talaga ng buhay. Saktong dalawang taon na mula nang una kong makita ang unang naging kahati sa ligaya, lungkot, lambing at luha. Mahigit isang taon ko din syang nakasama. Umabot naman kami sa Pebrero 2012 kung saan naranasan ko pa din ang tamis ng lumalamlam nang pag-ibig. Naging masaya ako bagaman nagwakas na ang yugtong iyon ng aking buhay. At ngayong Pebrero 2013, ngingitian ko na lang ang isang magandang alaala, walang pait o hinanakit, at aasang muling makakahanap ng panibagong magbibigay-buhay sakin.
Pebrero 2011 din ng magbukas ang isang pintuan sakin. Kasalukuyan pa din akong nasa loob ng tahanang sa kabila ng pintuang iyon. Halos dalawang taon na din ako dito. Nagpapasalamat ako kay Lord God sapagkat patuloy ang mga pagpapalang ipinagkakaloob niya sa akin sa tahanang ito, bagaman hindi ako karapat-dapat. Para sa lahat ng biyaya, salamat, Panginoon, Salamat.
Pebrero 2013. Nalalapit na ang isa sa mga kaganapang inaabangan ko. Ang lahat ng karanasan ko sa nagdaang apat na taon : tagumpay, kabiguan, pag-ibig, pagkasawi, pagbangong muli, panunumbalik- ngayo'y aking ipagdiriwang kasama ang bagong pamilyang nagpapasaya sa akin ngayon.
Sa uulitin. Hanggang sa susunod na Pebrero na maitatala ko.
No comments:
Post a Comment