Thursday, January 20, 2011

Kalikasan, Kaibigan???

Simula pa lang ng taon ay magkakasunod na masasamang balita agad ang sumalubong sa ating mga kababayan sa iba't-ibang panig ng bansa. Dumaranas raw sila ng malalakas na pag-ulan dulot ng pagsanib ng hanging amihan sa tail end ng cold front. Nakalulungkot isipin na madaming buhay agad ang binawi ng mga kalamidad na ito. Bagaman walang bagyo, nagdulot ng malawakang pagbaha sa madaming lalawigan ang malalakas na pag-ulan. Higit kumulang 50 katao na ang nasawi. Posibleng tumaas pa ang bilang na ito kung magtuloy-tuloy pa ang masamang panahon. Napakasaklap.

Napakahalagang bigyang-pansin ang isyu sa Climate Change (Global Warming). Napapanahon lang. Dapat nga matagal na itong inaksyunan sapagkat maaaring kasingtanda ng problemang ito ang mundo; nagkataon lang na ngayon lang natin nararanasan ang malakas na hagupit nito.

Ano nga ba ang Climate Change?

Isang teknikal na depinisyon ang ibinigay sa atin ng UN: "A change of climate which is attributed directly or indirectly to human activity that alters the composition of the global atmosphere and which is in addition to natural climate variability observed over comparable time periods (The United Nations Framework Convention on Climate Change". 21 March 1994.) Bagaman gawa ng kalikasan, hindi maitatangging TAO din ang isa sa mga nagpalala nito. May ibang kadahilanang bunga ng mga natural na pagbabago ng mundo : pagputok/aktibidad ng mga bulkan, epekto ng araw at buwan at paggalaw ng tectonic plates. At syempre, napakalaking TULONG din ng mga tao para maranasan ito. Kahit ang simpleng (hindi tamang) paggamit ng ilang piling appliances sa bahay at di tamang pagtatapon/pagsusunog ng basura ay nakakapagpalala sa kalagayan ng mundo. Maliit mang ituring, subalit kung susumahin mula sa kabuuang populasyon ng daigdig, malaking bagay na din ang nagagawa ng "simpleng" maling gawi.

Patuloy ang pag-unlad ng tao dahil sa teknolohiya. Sa kasamaang palad, kaalinsabay nito ang unti-unting pagkasira ng kalikasan, ng mga natural na bigay sa atin. Makakapal na usok, mga toxic/chemical waste sa mga bahaging-tubig, pagkakalbo ng mga kagubatan, pagguho ng mga bundok : ilan lang ang mga ito sa pinakamasakit sa matang epekto ng mga maling gawi ng tao. Walang silbi ang pag-unlad kung darating ang araw na wala na tayong matitirhan pa. TAO din ang maghuhukay ng sarili niyang libingan.

Ngayon, nagbibilang na lang ba tayo ng oras para muling matikman ang ikalawang paghuhukom?

Nakasaad sa Bibliya na hindi na muling "lilinisin" ng Diyos ang sangkalupaan sa pamamagitan ng malaking baha. Pero sa nangyayari ngayon, hindi maiaalis sa isipan ng ilan na maaaring isang "baha" din ang magwawakas sa lupa. Nakakatakot isipin kung totoong mangyayari ang naganap sa pelikulang 2012 . May mga pag-aaral na dahil sa patuloy na (abnormal na)pag-init ng mundo, unti-unting natutunaw ang yelo sa hilaga at timog na mga kontinente. Dahil dito tumataas ang sea-level, at unti-unting muling nilalamon ng tubig ang lupa. Kung magpapatuloy ito, malamang na tuluyan ngang maubusan ng matatapakan ang sangkatauhan.

**Nawa'y di na muling lipulin ang mundo sa pamamagitan ng baha.

Nakakapangamba talaga ang panahon ngayon. Ang mainit, nagiging sobrang init: ang malamig, sobrang lamig. Sa katunayan, naitala ang nakalipas na taong 2010 na ikalawa sa pinakamainit na panahon sa kasaysayan. Isa sa mga lubhang naapektuhan ay ang Russia matapos itong dumanas ng heatwave na nagdulot ng mga forest fires at pagkasira ng mga pananim. Sa Baguio, nagbunga ng sakit ang biglang pagbaba ng temperatura mula sa normal na antas nito. Nababago na talaga ang weather pattern. Kung kailan inaasahang tag-araw ay siya namang tag-ulan. Mas mahahaba na din ang itinatagal ng ganitong mga kapanahunan kumpara sa mga nakalipas na taon. Napipinto ang pagkukulang sa pagkain kung magpapatuloy ang matagalang tagtuyot sa mga lugar-pang agrikultura. At sa tuwing may darating naman na bagyo, mas nakakakaba sapagkat higit na malalakas ang mga dumadating na unos ngayon. Sino bang makakalimot kay Ondoy? Lumubog ang malaking bahagi ng Kamaynilaan ng dahil dito. Kay Pepeng, na matapos pumasyal sa Hilagang Luzon ay nawili pa yata at binalikan ang kawawang bansa? At muli, sa mga lumalagunos na ulan (ni hindi pa nga bagyo) na kasalukuyang pumipinsala sa maraming lugar sa Visayas at Mindanao? Ang malalakas na ulan na kalaunan lamang ay gumimbal at nagdulot ng malawakang pagbaha sa Australia? Biktima din nito ang Pakistan at Tsina sa nagdaang taon. Kahit ang malalaki at mauunlad na bansa ay walang lusot sa "ganti" ng kalikasan. Ramdam na talaga sa buong mundo ang mga epekto ng Climate Change.

Ngayon, mag-aabang na lang ba tayo? Hindi lamang paghahanda ang kailangan natin. Kailangang solusyonan ang problema sa Climate Change. Kung makakaiwas o malimitahan man lang natin ang mga masasama nating gawi na nakakapagpalala sa kasalukuyang sitwasyon, mas mabuti. Nagkakaisa ang buong mundo sa pagsugpo dito (kung hindi man tuluyang masugpo, kahit mabawasan man lang ang matinding dagok). Responsibilidad ng bawat isa, bilang mamamayan ng planeta, ang pangalagaan ang kanyang tirahan. Hindi maaaring aasa na lang tayo sa mga "eksperto" na kayang magpaliwanag at magbigay ng mga solusyon sa tinatawag na climate change. Hindi lamang ang gobyerno, o mga environmentalists o kung sino sino pang may "kapangyarihan" kuno ang kailangan natin. Sa mga mumunting paraan, maaari tayong tumulong sa pagwawakas nito . Palagay ko, hindi naman talaga "mga pwersa ng kalikasan" ang matindi nating kalaban dito - mga sarili natin. Kaibigan ang kalikasan. Ano bang dapat na ginagawa sa kaibigan?

Buksan ang mata. Mag-isip. Makiisa. Hindi pa huli ang lahat.

No comments:

Post a Comment