Ilang araw na lang, eleksyon na naman. Eto na ang hinihintay ng mga kandidato sa buong Pilipinas. May mga mananalo at mahahalal muli. Walang matatalo sapagkat sasabihin ay nadaya daw sila. Pero teka, parang meron pa ding matatalo dito. Yung mga magcoconcede? O yung mga bumoto na naloko ng kandidatong sinuportahan? Abangan sa susunod na tatlo hanggang anim na taon.
Magugunita na hindi pa man nagsisimula ang election period, tadtad na ng TV ads ng mga nag-aasam maluklok sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno. Hanggang sa ganap nang magsimula ang campaign period, naglipana na ang mga jingles na minsa'y nakakaaliw ngunit mas madalas ay nakakasakit ng ulo sa sobrang lakas at kawalan ng laman. Talagang pahiwatig na ito ng magaganap sa Mayo ah Nwebe.
Dahil sa laganap na paggamit ng social media, tila ba mas naging makulay pero mas magulo ang darating na eleksyon. Todo bangayan at batuhan ng baho hindi lamang ang mga magkakatunggali, kundi pati na rin ang mga supporters nila.
Mistulang repleksyon din ng ugali at displina ng mga botante ang mga nagaganap ngayon. Mapapailing ka na lang sa napakaraming keyboard warriors na todo-suporta sa kanilang kandidato pero grabe kung makapanlait sa mga nasa kabilang kampo sampu ng kanilang supporters. Halos lahat ng panig may mga ganitong tao, pero may nangingibabaw eh (wag nyo ako ibash, walang basagan ng trip, at totoo naman talaga). Halos lahat ng post sa social media, partikular sa Facebook, kahit walang kinalaman sa halalan, biglang sisingitan na lang ng pangangampanya para sa kani-kanilang mga manok. Kung makapagmura at makapanglait yung iba, parang walang pinag-aralan at hindi pinalaki ng maayos ng kanilang mga magulang o naturuan ng kagandahang asal sa paaralan.Ang mas masaklap pa nito, umaabot pa sa pagbabanta sa buhay ng mga kontra sa kanila! Pambihira! At sa lagay na yan, gusto pa nila ng pinunong lulutasin daw ang kriminalidad ang maglalatag ng disiplina? Nagpapatawa ata sila, samantalang sila mismo ang nagpapalaganap ng bagay na kinaaayawan nila.
Isa pang bagay na napansin ko. Pinapaniwalaan nila lahat ng nakikita sa social media, lalo na ang mga memes. Nauunawaan ko na maski mga balita, pwedeng manipulahin. Pero ang maniwala sa mga simpleng memes, na kahit na sino ay pwedeng gumawa, ay isang malaking kalokohan! Alamin kung totoo ang nakikita, humanap ng matibay na basehan ng katotohanan. Hindi lahat ng nasa social media ay totoo. Huwag maging mangmang sa katotohanan. Maging mapanuri, mapagmatyag, Matanglawin!
Isa pang bagay na napansin ko. Pinapaniwalaan nila lahat ng nakikita sa social media, lalo na ang mga memes. Nauunawaan ko na maski mga balita, pwedeng manipulahin. Pero ang maniwala sa mga simpleng memes, na kahit na sino ay pwedeng gumawa, ay isang malaking kalokohan! Alamin kung totoo ang nakikita, humanap ng matibay na basehan ng katotohanan. Hindi lahat ng nasa social media ay totoo. Huwag maging mangmang sa katotohanan. Maging mapanuri, mapagmatyag, Matanglawin!
================================================================
Ganito ba ang gusto nilang pagbabago?
Tulad ng isang matagal nang kasabihan, "Kung gusto mo na pagbabago, simulan mo sa sarili mo!"
Walang masamang tingalain ang inyong kandidato sa pagkapangulo. Pero tila yata mali na iasa sa kanya ang pag-unlad ng Pilipinas, pati ng sarili nyong buhay. Hindi sila mga superhero, wizard, o kahit ano mang nilalang na may super powers na kayang paunlarin ang bansa, sugpuin lahat ng kriminalidad at gawing mapayapa sa loob lamang ng anim na taon, Sa bandang huli, wala kang ibang aasahan kundi ang SARILI mo kung gusto mong umasenso. Mamumuno lamang sila, walang micro-managing na magaganap.
Gusto mo ng pagbabago sa buong bansa? Tumulong ka, makiisa. Maging responsable at disiplinadong mamamayan. Walang mangyayari kung uupo ka lang at magpo-post o comment sa mga social media sites. Kilos-kilos din.
================================================================
Nawa'y maging maayos ang darating na eleksyon. Kung sinoman ang manalo, ipinagkakatiwala na namin sa'yo ang pamumuno sa bansa. Patunayan mong tama ang naging desisyon ng mga bumoto sayo. Pamunuan mo kami ng maayos, at susunod at makikiisa kami sa mga alituntunin mong moral at naayon sa batas ng tao at Diyos. Unti-unti, nawa'y may MAGANDANG pagbabagong parating para sa lahat.
===============================================================
P.S. Hindi ako hater ng kahit na sinomang kandidato sa pagkapangulo. May napili na akong iboto, matagal na, pero hindi ito dahilan para kutyain ko ang ibang tumatakbo pati ang kanilang mga supporter. Oo, tayo ay nasa isang bansang may demokrasya, malaya tayong makapagsalita. Pero bawat karapatan ay may kalakip na limitasyon. Alamin ang tama, wag manakit ng kapwa.