Wednesday, September 2, 2015

Tao po? Tao po?

Tuloy...
Kaytagal kitang hindi nadalaw. Ano nang nangyari sa'yo?

Naka-hiatus mode na naman si Baliwantunaan. Madami na naman akong dahilan / palusot. Halos dalawang taon nang walang panibagong tala dito. Kaya ngayon, para lang masabing may naipost na ako para sa taong 2015, eto na.

Matatapos na ang taon pero wala akong naisulat dito. Nung nakaraang taon, isa lang. Muntik ko na mabreak and record ng Hiatus X Hiatus. At ngayong nagbabalik na ako, sana naman pati yun bumalik na din sa sirkulasyon.

Ayokong mangako na magiging sobrang aktibo muli sa pagpopost dito. May pailan-ilan lang akong matitinong artikulong nagawa bilang bahagi ng stretch assignments sa trabaho. Masaya naman ako sa naging resulta ng karamihan sa mga iyon, pero meron din na hindi ako ganon ka-fulfilled.

Kamusta na nga ba ang lagay ng pagsusulat ko?

Pinakamadali para sa akin ang magsulat nang walang sinusunod na pamantayan. Grammar, syntax, subject-verb agreement, at kung ano ano pa. Basta maipaintindi ko lang ang nais kong ibahagi, kahit sa mga napakapayak na salita lang, masaya na ako dun. Kaya naman sa tuwing may makikita akong mga nabago sa ginawa ko, hindi maiwasang magkaroon ako ng alinlangan sa pagsusulat ko. Bagaman malugod akong tumatanggap ng kritisismo, at bilang bahagi din iyon ng pagsusulat, sa kaloob-looban ng isip ko, gusto kong ipagsigawan na maayos na naman ang naisulat ko. Ang mahalaga naiintindihan ng mambabasa iyon. Hindi sobrang teknikal, at hindi din naman sobrang impormal. Pero sige na nga, yaman din lamang na kasama talaga sa "trabaho" iyon, pagbigyan na.

At sa susunod na sulatin, balik na naman ako sa paborito kong freestyle na pagsusulat. At kaya narito ako muli, upang muling maranasan iyon. 

Marami akong naisipan na gawan ng post sa halos dalawang taong pahinga dito. Sa tuwing naiisip ko ang mga "sana'y naitala ko dito", napakadaming ideyang nililimi ko. Pero makalipas ang ilang araw, wala na. Mahina na ang retention ko. Mahina  na din ang storage capacity ko. Kelangan ko na atang bumili ng external hard drive, yung 3 TB na (meron ba nun). Kelangan ko din ng determinasyon. Di ko na kelangan ng inspirasyon, malapit lang sa akin yun.

Sa tuwing binabalikan ko ang mga nagdaang tala dito, napapangiti na lang ako, at nagpipigil mapaluha sa mga madamdaming nakapalaman sa ilan. Kaya sana, may magawa akong panibagong tala na katulad o mas higit pa sa mga nagawa ko na dati. Matagal na ako namahinga, nararapat lamang na maganda ang comeback post ko.

Kelangan ikondisyon ang isip. Ihanda muli ang panulat. Ilabas ang papel, at basahin muli ang mga nakalipas na gawa.

Babalikan kita, pangako.