Isang taon na naman ang muling lilipas. Madaming naganap; madaming
kwento ang nagsimula at nagwakas. Kasabay ng pamamaalam sa isang taon
ang pagsalubong sa isang bagong simula.
Naging laman ng mga balita sa nagdaang taon ang ilang
kontrobersiyang nakalimbag na sa kasaysayan ng bansa. Sinong makakalimot
sa kauna-unahang Impeachment Trial na natapos ng Kongreso? Napatalsik
ang isa sa mga pinakamataas na opisyal ng pamahalaan matapos ang ilang
buwan ng pagbubuno ng prosekusyon at depensa na nasubaybayan ng
taumbayan. Naging interesante ang mga pangyayari at ang proseso
partikular na sa mga nasa sangay ng pamahalaan: ehekutibo, lehislatibo
at hudikatura .
Bago matapos ang taon, naisabatas ang isa sa mga pinakakontrobersyal
na panukala, ang RH Bill. Nasubok ang paniniwala ng mga Pilipino, ang
katayuan ng relihiyon, at ang tunggalian ng Simbahan at pamahalaan sa
isang panukalang batas na tumatalakay sa buhay. Gumawa din ng ingay ang Sin Tax Bill at Anti-Cybercrime Law. Bagaman hindi pa
naipatutupad, asahang hindi pa tapos ang proseso sa mga ito.
Ilang trahedya din ang naganap sa taon. Hinagupit ang katimugang
bahagi ng bansa ng Bagyong Pablo. Sa kasamaang-palad, madaming buhay ang
binawi sa panahong malapit na ang kapaskuhan. Matindi din ang naging
hagupit ng habagat na tumama sa napakadaming lugar, partikular na sa
Hilaga at Timog Katagalugan at Maynila. Isa na lang siguro sa mga dapat
ipagpasalamat ay hindi naging kasing-tindi ng Bagyong Ondoy ang pinsala
at mga biktima nito. Napaghandaan ang pagdating ng sama ng panahon,
salamat sa mga aral ng nagdaang kalamidad. Namayani ang espirito ng
bayanihan sa panahon ng kagipitan: isa sa mga magagandang ugaling dapat
lamang na pagyabungin ng mga tao.
Nagluksa ang buong bayan sa pagpanaw ni Mang Dolphy. Isang haligi ng
industriya at kulturang Pilipino ang namaalam. Walang hindi
nakakakilala kay Pidol, sapagkat minsan ay naguhitan nya ng ngiti ang
ating mga labi.
Isa din sa mga namaalam si Jesse Robredo, kalihim ng DILG. Isa sya
sa ilang mabubuting pinunong natitira sa gobyerno. Nawa'y tularan ng mga
kasalukuyang nasa pwesto at ng iba pang nag-aasam ng posisyon ang tulad
ni Jesse.
Naging ganap na ikalawang Pilipinong Santo si Pedro Calungsod. Nagdiwang ang buong bansa nang dahil dito.
Dalawang beses na natalo ang pambansang kamao. Nagapi man, malugod
nyang tinanggap ang nangyari. Sana'y maging ganto din ang ugali ng lahat
pagdating sa mga kompetisyon at eleksyon. Bagaman may kabiguan,
ipinagdiwang naman ng bansa ang patuloy na pag-angat ng Filipino Flash.
Nagchampion din ang National Basketball Team sa nagdaang Jones Cup,
ang torneyong huli nating napanalunan noong panahon pa nina Johnny A at
Alvin Patrimonio. Bukod sa kanila, may ilan pang mga Pilipino (o may
dugong Pilipino) na nakilala sa buong mundo dahil sa husay sa iba't
ibang larangan. Muntik na naming maiuwi ng bansa ang Miss Universe.
Muntik na din manalo si Jessica Sanchez sa American Idol. Bigo mang
makasungkit ng medalya sa nagdaang olimpyada, patuloy pa din ang
pagpapakita ng mga Pilipino na kaya nating makipagsabayan sa mundo.
===
Hayaan nyo naming ibahagi ko ang ilan sa mga pangyayaring humugis sakin ngayon taon.
Sinimulan ko ang 2012 ng may ngiti. Nagdiwang ako ng New Year at
Valentines na may nakakausap ng malapit sa puso bukod sa pamilya at mga
kaibigan. Nagcelebrate ng anniversary at iba pang munting tagumpay at
alaala kasama ang tinawag kong mahal. Bagaman magkahalong saya at at
lungkot ang nanaig samin sa unang apat na buwan ng taon, mas nangibabaw
sakin ang kagalakan sapagkat may isang taong tumumbas sa pagpapahalagang
ipinakita ko.
At tulad ng ibang kwento, nagwakas din ang samin. Siguro nga hindi
talaga 'to para sa akin ngayon. Ang ilang sumunod na linggo ay naging
mahirap. Nasanay muli ako sa pag-iisa at katahimikan. Madami akong
natutunan sa mahigit isang taong pagsasama namin. Higit akong natuto sa
pagwawakas nito.
Sa gitna ng kalungkutan, may dalawang bagay na muling bumuhay sakin.
Una, ang isang bituing nagdulot ng liwanag. Bagaman sa kaunting panahon
lang, muling nagliwanag ang paningin ko. Taglay nya ang lahat ng mga
katangian na pinapangarap ko. Galing nga siguro sya sa isang panaginip.
Simula ng masilayan ko sya, mas sumigla ako sa trabaho. Nagmistulan
akong tagahanga at estudyante sa mahusay kong guro. Isa sya sa mga dapat
kong ipagpasalamat ngayong taon.
Nanumbalik ang interes ko sa pagsusulat. Muling lumikha ng mga tula
at kung ano-ano pang kaewanan. Nabuhay din ang blog kong nakaligtaan ko
sa mahabang panahon. Salamat sa isang bituin.
At ang ikalawa at patuloy na nagpapasaya sakin, ang panunumbalik sa
pananampalataya. Hindi naman sa itinakwil ko ito minsan, bagkus,
isinaisantabi. Malugod Niya akong tinanggap muli noong tinatawag ko sya.
Sa mga panahong natahimik ako matapos ang isang magandang awitin, muli
akong nakarinig ng magandang tinig. Sumunod ako sa tinig, at ito na ako
ngayon. Nagpapasalamat ako ng lubos sapagkat nandito ako. Nagsimula
akong muli, nanalig, at nangako na magsisilbi sa Kanya. Nahanap ko at
nakilala ang isang komunidad na tila ba matagal ko nang hinahanap: ang
Singles for Christ. Tatlong buwan ang aking ginugol sa pakikinig,
pamamahagi at pakikisalamuha sa mga bago kong kapatid. Napuno muli ng
musika ang buhay ko. At simula ng makasali ako dito, pawang magagandang
pangyayari na ang sumunod. Patuloy akong pinagpapala sa trabaho; muling
tumitibay ang samahan ng pamilya ko; mas napalapit ako sa ilang kaibigan
at mga katrabaho; malugod akong tinanggap ng community na makakasama ko
pa sa mga susunod na buwan at taon; madami akong nakilalang handang
maglingkod sa Kanya. Natagpuan ko ang aking bagong tahanan at
kapayapaan. Lahat ng ito, dahil sa pagmamahal ng Panginoon.
Magwawakas man, nagpapasalamat ako sa isang taon na puno ng aral.
Madami akong mga bagong karanasan na maibabahagi. May mga nakilala at
namaalam; nagalak, lumuha, lumungkot, ngumiti, sumigaw, naguluhan,
napayapa, nagmahal at minahal. Babaunin ko ang mga aral at alaala na
humubog sakin sa susunod na taon.
Salamat. Paalam, Dos Mil Dose.
For all these, May God be Praised.